FROM “BATANG ama” to “batang martir” ang drama ng Kapamilya young actor na si JM de Guzman. Pagkatapos nga ng ABS-CBN teleserye ni JM na Angelito: Batang Ama ay mapapanood naman sa pelikula si JM sa San Pedro Calungsod: Batang Martir, isang historical religious film.
Mula sa panulat at direksiyon ni Francis Villacorta, isang malaking challenge sa pagka-aktor ni JM ang pagganap sa film biography ni Pedro Calungsod, ang young Visayan martir na sumama sa Mission to the Marianas (old Guam) noong 1668-1672, as in 340 years ago!
Sa nasabing misyon, naging assistant si Calungsod ni Padre Diego Luis de San Vitores sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa nasabing lugar noong era na ‘yun, kunsaan karamihan pa ang mga “pagans” o hindi naniniwala sa Diyos, kundi ang dinidiyos pa nila that time ay ang araw, buwan, karagatan, etc.
Hanggang sa mapatay si Calungsod at San Vitores sa kamay ng mga Chamorros o mga lumang natives ng old Guam, kaya sila naging mga martir, dahil namayapa sila sa ngalan ng Kristiyanismo.
Ngunit mauunang i-canonize bilang santo si Blessed Pedro Calungsod kesa sa mas matanda sa kanyang Spanish missionary na si San Vitores na nasa 40-45 years old at that time.
At ang nakakatuwa, isang Filipino si Calungsod, nakalinya na ang kanyang pangalan sa Vatican City sa Roma upang gawing santo ng Santo Papa sa buwan ng Oktubre 2012, making him the second Filipino saint after San Lorenzo Ruiz.
Ayon kay Villacorta, “Sa simula pa lang, alam ko nang si JM ang perfect na Pedro Calungsod. Nasa mga expressive eyes niya, I can mold a memorable screen character.”
Si Villacorta ay isang theater director and a History-Political Science graduate from De La Salle University. Kabilang sa mga nai-mount na niya ay ang Oedipus Rex (1997), Juan Luna (2000), The Diary of Anne Frank (2002), Bayan-Bayanan (2003), Sa Ngalan ng Ama (2004), Doctor Faustus (2006), Hamlet (2006), Tatlong Kuwento ng Bagong Bayani (2007).
Ginawa rin niya ang Beloved Beata: The Mother Ignacia del Espiritu Santo Story (2007), Batang Bosco (2008), Saint Scholastica (2008), The Virgin of the Poor (2008), Dominic (2009), The Jose P. Laurel Story (2009), Confessions of a Soul: The Life of Saint Augustine (2009), Journey to Rotary: The Paul Harris Story (2010) and Francisca de Manila: the Mother Francisca del Espiritu Santo Story (2011).
Samantala, si JM de Guzman naman ay isang Theater Major from the University of the Philippines.
At lingid sa kaalaman ng marami, bago ito makilala nang husto sa teleserye sa Dos, nakalabas na rin siya noon sa various productions including the musical Isang Pangarap Na Fili.
Sa pelikula, lumabas na siya sa indie films na Last Supper No. 3, Rekrut, Ang Babae Sa Septic Tank, at Pintakasi (kunsaan siya nanalong Best New Wave Actor sa MMFF 2011).
Ang screenplay ng biofilm ay may dialects na Visayan, Spanish, native Chamorro, at Tagalog.
Say ni JM sa panayam namin sa kanya kamakailan lang, pakiramdam daw niya ay “blessed” nang mapili – sa dami ng young actors ngayon – upang gumanap sa “role of a lifetime” bilang si Pedro Calungsod.
“Pakiramdam ko, blessed na blessed ako dahil sa akin nagtiwala ang director,” sabi ni JM. “Feeling ko rin, dapat akong magpaka-santo kahit man lang sa thoughts or in action, although, siyempre, ang ibig sabihin ko doon is to do good at all times sa buhay natin.
“Isang malaking karangalan para sa akin bilang isang artista ang gumanap bilang Pedro Calungsod, dahil kumbaga, ang pelikulang ito ay parang magiging ‘libro’ ng mga estudyante na gustong ma-kilala kung sino siya, at ano ang kanyang martyrdom.
“Nagpapapayat na nga ako ngayon dahil kailangan kong maging mukhang mas bata sa role ko. Hindi biro ang gumanap na isang historical figure, so sana ay kayanin ko,” pagtatapos ni JM.
Ang production designer ng San Pedro Calungsod: Batang Martir ay ang award-winning na si Arthur Nicdao at ang film editor ay si John Anthony Wong na mga excited gawin ang proyekto dahil para raw ito sa Diyos, tulad ng nararamdaman ng iba pang nasa production staff.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro