NGAYONG ARAW na ito, April 18, ang last shooting day ng Aparisyon, isang full length film entry sa 8th Cinemalaya Independent Film Festival, na gaganapin sa July 20-29, 2012 sa CCP Theaters, Greenbelt Cinema, and Trinoma Cinema.
For the first time sa pelikula, gaganap bilang mga madre (o mong-ha) ang dalawa sa pinakamagagaling na aktres ng kasalukuyang henerasyon – sina Mylene Dizon at Jodi Sta. Maria, both home-grown talents ng ABS-CBN, kung saan sila nag-grow bilang mga mahuhusay na aktres.
Hindi nga pinakawalan nina Mylene at Jodi ang opportunity to do Aparisyon, dahil bihira raw silang makatanggap ng mga ganitong klaseng offer na gumanap ng offbeat roles, tulad ng madre sa isang pelikula, and mga mongha pa nga, ‘yung talagang mapag-dasal ng maraming beses sa isang araw, etc.
Writer-director ng Cinemalaya film na ito si Vincent Sandoval na galing USA, at nakakaloka nga ang eksena ng kanyang pag-submit ng script, ito ay via online at ang initial interviews by the Cinemalaya organizers sa kanya ay via Skype, dahil nga nasa Amerika pa siya at that time na makapasok ang kanyang materyal as official entry.
Lumabas na rin si Direk Vincent sa kanyang first full length film na Señorita (shown last year sa Cinemanila International Filmfest, pero kulang sa publicity) na siya rin ang gumanap na lead role bilang transvestite, at napansin ang pelikula ng Young Critics Circle at na-nominate bilang Best Film nila this year.
Ang Aparisyon ay kuwento tungkol sa mga madre o mongha sa isang kumbento, ilang buwan bago ideklara ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law noong September 1972, making this year na 40th anniversary na ng Martial Law sa bansa.
Kasama rin sa pelikula, also in a lead role, ang kilalang opera singer na si Fides Cuyugan-Asencio na gumanap rin sa Niño, isang award-winning Cinemalaya entry last year, 2011.
Mother Superior naman ang role ni Ms. Fides at kasama rin bilang mga madre ang equally good actresses na sina Ms. Rustica Carpio at Raquel Villavicencio.
Pero pinaka-excited ang maraming film enthusiasts ay kung papaano ang gagawing atake nina Mylene at Jodi sa kanilang mga roles bilang mga madre sa pelikula, ito ay dahil sanay tayong mapanood sila sa iba’t ibang Kapamilya teleseryes.
Tested na ang husay ng dalawa. Kung si Mylene ay epektibo sa kanyang kontrabida roles on TV, something new naman ang kanyang role bilang madre dito na madasalin, mapagtimpi, etc. And so with Jodi na laging “uhaw” sa paggawa ng kakaibang indie roles na hindi nila makukuha sa mainstream films.
“Ang totoo niyan, talagang nagustuhan nina Mylene at Jodi ang script noong una pa lang nilang natanggap ito,” chika sa amin ni Direk Vincent.
“Ganito raw ang mga gusto nilang gawin as actresses. So, kahit na very busy sila sa kanilang mga ginagawang teleserye, ginawan nila ng paraan with their handlers na maka-swak ng sked for our shooting.”
Ipapakita sa Aparisyon ang contrast ng mangyayaring gulo patungong Martial Law at kung papaano naman ang buhay ng mga madre sa loob ng isang kumbento, sa pareho ring panahon.
More on “subdued” moments daw ang required ng madre roles nina Mylene and Jodi, at ‘yun ang masarap abangan sa pelikula.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro