NITONG TUESDAY, September 25 ang birthday ni Senator Bong Revilla. Pero Monday, September 24 ginanap ang kanyang engrandeng selebrasyon sa Diamond Hotel – Manila. Dumagsa sa nabanggit na okasyon hindi lang ang mga kaanak at kaibigan niya kundi ng iba pang personalidad mula sa mundo ng showbiz at pulitika.
“Happy ako sa lahat ng bagay, sa mga ginagawa ko, at nangyayari sa akin ngayon,” sabi ng actor-politician nang makausap namin. “Hindi ko masyadong pinuproblema ang buhay. Basta ako, happy lang. Ang importante sa atin, mapaligaya natin ‘yong ibang tao.
“And sabi ko nga… ano pa ba ang hihilingin ng isang Bong Revilla? Nasa akin na at ibinigay na lahat ng Panginoon.
“Ah… kung may hihilingin pa man ako, siguro hindi na para sa akin, eh. For my son Jolo. Ang wish ko, sana manalo siya,” sa pagkandidato ng anak bilang vice-governor ng Cavite ang kanyang tinutukoy.
“At saka si Lani for her re-election,” bilang congresswoman naman sa Cavite pa rin.
Posible bang tumakbo siya bilang vice-president o kaya ay presidente na nga ng Pilipinas?
“I believe in destiny. We don’t know. Basta kung anuman ‘yong ibulong sa akin ng Panginoon, pakikinggan ko.
“Sa ngayon, magtrabaho muna tayo. Mag-perform. Basta hindi ako hadlang sa present administration. Susuporta tayo sa programa nila.
“Siyempre para sa mga kababayan natin ito. Iisang bangka ang sinasakyan nating lahat, eh. Kapag lumubog ‘yan, lubog tayong lahat. So, hindi ako magiging hadlang sa kanila.”
Dahil balitang posibleng tumakbo bi-lang vice-governor din ng Cavite ang anak ni Senator Ping Lacson, sinasabing hindi raw malayong baka magkaroon ng isyu sa pagitan nila ng kapwa niya Senador. Lalo at parang pinagtatapat din sila ni Senator Ping sa ngayon na possible nga rin umanong maging magkatunggali sakaling kapwa tumakbo for a higher position pa .
“Politika lang naman ‘yan, eh. Basta ang sa akin, ang importante… walang below the belt. Maging patas ang laban.
“Kumbaga, friendly competition lang. Eventually, ang magdi-decide d’yan… taong-bayan.
“Hindi naman kami dapat intrigahin ni Senator Ping. Okey lang naman sa akin ‘yon , eh. Kung maibigan ng anak niya na lumaban sa anak ko, palabanin nila. No problem.
“Ang mga Caviteño ang magdidesisyon niyan. Ipaubaya natin sa kanila ‘yan.”
Sa posibleng salpukan sa pulitika ng pamilya Revilla at pamilya Lacson, gaano kaya kalaki ang magiging involvement ng napapabalitang karelasyon ngayon ni Jolo na si Jodi Sta. Maria, na ex-wife ng anak ng anak ni Senator Ping na si Panfilo Lacson Jr.?
“Sana nga, huwag nang ma-drag pa si Jodi sa aspeto na ‘yan. Basta ako naniniwala sa kakayahan ni Jolo na maglingkod bilang bise-gobernador.”
Sa tingin niya, masaya ba si Jolo ngayon kay Jodi?
“Baka lalo tayong maintriga diyan sa mga Lacson!” napahalakhak na biro ni Senator Bong.
Okey lang naman siguro sa kanya kung sinuman ang gustuhing makarelasyon ni Jolo?
“As much as possible, ayokong manghimasok sa personal nilang buhay.
“Jolo is old enough. Siguro naman makakapagdesisyon na siya para sa buhay niya. Alam niya ang tama at mali.
“Basta ang importante dito, eh maging masaya siya. At kung sinuman ang ibigin niya at umibig sa kanya, masaya na rin ako for him. ‘Yun lang.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan