TALAGA LANG bilang magkarelasyon ay natural na nagsusuportahan sina Jodi Sta. Maria at Jolo Revilla magmula nu’ng mahayag ang kanilang ugnayan. Kaya naman bilang pagsuporta rin ay laging kasama ni Jolo si Jodi sa kampanyahan nitong nakalipas na eleksiyon.
Pero ang patutsada na ng mga kakontra ng anak ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. ay malaki raw ang partisipasyon ng magaling na aktres sa pagkakapanalo ni Jolo bilang vice-governor ng Cavite.
Ipinagpapasalamat siyempe ng buong pamilya nina Sen. Bong at Congresswoman Lani Mercado, na sa mga panahon ngang may kampanya noon si Jolo ay sumasama si Jodi at naaaliw naman ang mag-asawa na happy talaga sina Jolo at Jodi sa kanilang relasyon.
Pero hindi naman puwedeng pabulaanan, na dahil din sa dikit ni Jolo sa mabangong pangalan ng kanilang angkan sa Cavite ay kaya nanalo siya. May hatak na talaga sa Cavite ang kanilang apelyido.
Hindi sa minamaliit natin si Jodi, pero papaano naman sasabihing kung hindi dahil sa kanya ay hindi mananalong vice-governor si Jolo? Samantalang kung inilalaglag si Jolo dahil sa kanyang batang karanasan para pumasok sa larangan ng pulitika, laglag din naman nitong huli ang image ni Jodi, dahil hiwalay siya sa lalaking una niyang pinakasalan, si Pampi Lacson, at ilang beses ding ipinagsigawan ni Iwa Moto na kumabit si Jodi kay Mickey Ablan sa panahong diumano’y mag-asawa pa sila ni Pampi.
ANG KAMPO pa rin siyempre ng ABS-CBN ang nanalo sa tapatan ng mga programang ASAP at Party Pilipinas ng GMA-7 na namaalam na nga sa ere. Sobrang nakalulungkot ang nangyari. Dahil sa totoo lang, ang dami-daming Kapuso stars ang matetengga kapag nagkataon. Pero tama rin namang desisyon sa panig ng Siyete, dahil kung mawawala rin naman sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid sa nasabing programa ay kulang na kulang na rin ang dating ng nasabing show.
Ang Party Pilipinas o ang dating SOP na sina Ogie, Regine, Jaya at Janno Gibbs ang hosts ay naging malaking hamon sa mga tauhan ng Dos na nangangalaga sa ASAP para mas lalo pa nilang pagbutihin at pagandahin ang concept ng kanilang show. Na talagang ngayon ay paborito ng masa at maging ang mga turista ay bukambibig, na ang isa sa mga papasyalan nila rito sa Pilipinas habang sila’y nagbabakasyon ay ang ASAP dahil para ka raw nanonood ng concert sa ganda.
Kung mayroon ngayong mga Kapuso star na nalulungkot dahil sa pagkatsugi ng kanilang programa, normal lang naman iyon. Ganu’n talaga. Business ito, eh. Kaya dapat lang na kung ano ang patok sa mga manonood ay siyang ibigay. Nangyari rin naman kasi dati sa ASAP na kung may kailangang tanggaling parte ng programa ay ginagawa nila kahit may mga Kapamilya star din na hindi na nga makasali sa show na nangangahulugan din na wala na silang trabaho.
ChorBA!
by Melchor Bautista