Kung medyo naudlot man ang tuluyang pagsikat noon ni Joed Serrano bilang bagets actor dahil naagawan siya ng permanenteng ka-loveteam nu’ng panahong nasa “That’s Entertainment” pa siya na nakagawa rin ng ilang pelikulang pampakilig sa Seiko Films, hindi naman siya huminto sa ganu’n na lang para mangahulugan iyon na iwanan na niya ang showbiz. Nasa sistema na kasi niya ang pagpapasaya, kaya hindi niya tuluyang iniwan ang movie industry.
Ilang panahon na ring nararamdaman ang husay ni Joed sa showbiz bilang concert producer. Katulad na lamang ngayon sa paghahandog ng CCA Entertainment Productions ng “Panahon Ng May Tama: Comikilig” na tinatampukan nina Gladys “Chuchay” Guevarra, Boobsie Wonderland, Ate Gay, at Papa Jack, mula sa direksiyon ni Andrew del Real na mapanonood na sa February 13 sa Smart Araneta Coliseum.
Napag-aralan din ni Joed Serrano sa mga dati niyang nakasama sa showbiz ‘tulad ng tatay-tatayan din niyang si Kuya Germs (German Moreno) ang tungkol sa pagpoprodyus. Kaya nga, marami pang plano si Joed para sa showbiz. Sa katunayan, isa sa malaking pinaplano niya sa hinaharap ay ang magkaroon ng reunion ang mga naging parte ng programang “That’s Entertainement” na sinisimula na nilang mabuo sa ngayon, dahil naghahanapan pa silang lahat.
ChorBA!
by Melchor Bautista