Inamin ni Sir Joel Cruz na nasaktan siya sa comment sa nag-viral na picture na kuha sa engrande at bonggang binyag ng kanyang kambal na sina Prince Harvey at Prince Harry, kung saan naka-mask ang dalawang yaya habang karga ang kambal na anak ni Sir Joel.
Bale ang kambal ay ‘second babies’ ni Sir Joel Cruz dahil una niyang naging anak din ay kambal na malaki-laki na ngayon. Gusto kasi ng tinaguriang Lord of The Scent ay magkaroon pa ng anak, at ‘eto nga, isa namang kambal na parehong lalaki, not like sa unang kambal na babae at lalaki.
Inakusahan kaagad kasi si Sir Joel na nangdi-discrimate daw ng kanyang mga tauhan.
“I never discrimate anyone. Papaano ako mangdi-discrimate ng tao kung ako nga mismo eh, nakaranas na rin ng discrimation mula sa ibang tao,” bungad ni Sir Joel.
“Ako, bata pa lang, alam ko na gay ako. Kaya ‘di maiiwasang may tumatawag sa aking bakla. “Siyempre kahit papaano naha-hurt naman ako. Kasi alam naman nila na bakla ako. Bakit kailangan pa nilang ipagsigawan sa lahat. Tanggap ko naman kung ano ako.
“Kaya alam ko ‘yung feeling ng nadi-discrimate. Kaya bakit ko naman ‘yan gagawin sa ibang tao, especially sa mga tao ko pa?
“Masakit ‘yun, the fact na nakaranas na akong ma-discrimate at ma-bully, bakit ko naman gagawin sa kapwa ko ‘yun na alam ko namang mali at may masasaktan kang tao.
“Pero kinalimutan ko na ‘yung experience ko na nabu-bully ako when I was young. Kaya nga ‘yung sinasabi nilang nangdi-discrimate ako ng kasambahay o yaya or empleyado ko, malabo ‘yun.
“As much as possible, gusto kong masaya sila sa trabaho nila. Kasi like ‘yung mga yaya and nurses, sila ‘yung nag-aalaga sa mga anak ko at nagbibigay rin ng pagmamahal sa kanila, inaalagaan talaga kaya thankful ako sa kanila,” pahayag pa ni Sir Joel.
Kapit-bahay ko si Sir Joel at alam ko kung paano niya alagaan ang mga katulong at mga empleyado niya.
Lahat silang magkakapatid at maging ang kanyang butihing nanay ay madaling lapitan at talagang super bait sa lahat kahit sino ka pa.
Sana bago naman laiitin at sumbatan ang isang Sir Joel, alamin muna ang katotohanan.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo