Marahil isa sa maituturing na pagtulong at pagmamalasakit sa mundo ng kabadingan ni Direk Joel Lamangan ay ang paggawa nito ng mga pelikulang may tema ng kabaklaan. Mga pelikulang nagpapataas o nagsisilbing salamin kung ano at sino ang mga nasa ikatlong lahi. Seryoso man o komedya, sinisiguro niya na mag-iiwan ng magandang imahe ang kanyang mga pelikula sa mga tao para sa lalo pang makilala ang mga miyembro ng third sex.
Marami-rami na ring gay-themed movies na nagawa ang premyadong direktor. Kabilang dito ang mga pelikulang “Walang Kawala” nina Joseph Bitangcol at Polo Ravales; “Pusong Mamon” nina Lorna Tolentino, Eric Quizon, at Albert Martinenez; “Aisheti Imasu 1941: Mahal Kita” nina Judy Ann Santos, Jay Manalo, at Dennis Trillo; “Lihis” na pinagbidahan ni Lovi Poe, Jake Cuenca, at Joem Bascon; “Zsa Zsa Zaturnah Zeh Movie” ni BB Gandanghari; “So Happy Together” nina Kris Aquino at Eric Quizon; at ang “Manay Po 1 and 2” nina Cherry Pie Picache at Eugene Domingo.
Iba- iba man ang kuwento ng mga pelikula niya tungkol sa kabaklaan, sinisiguro naman niya sa kanyang mga pelikula na ipakita ang kalakasan ng sangkabadingan lalo na sa pagmamahal sa pamilya, trabaho, kaibigan, at maging sa pamayanan. Siyempre, may mga kabuktutan din naman siyang hindi dapat itago lalo pa’t kasama ito sa reyalidad ng buhay gaya ng lihis na nagagawa ng ilang mga kafatid sa kanilang buhay na ang dahilan ay pag-ibig at bisyo.
Sa pinakabagong pelikula ni Direk Joel Lamangan sa Regal Films ay isa na namang kuwento ng kabaklaan ang ginawa niya na siguradong hindi lamang makare-relate ang mga kafatid, kundi sobrang maaaliw ang mga makapanonood nito. Ang “That Thing Called Tanga Na” ang aming tinutukoy na isang comedy film na ang istorya ay umiikot sa magkakaibigang bading.
Ito ay kuwento ng pakikipagsapalaran, pag-ibig, pagkakaibigan, pagkabigo, kaligayahanm, at katangahan ng mga bading. Aminado ang direktor na sobra siyang nag-enjoy habang ginagawa ang pelikula at natutuwa siya sa kooperasyong ibinigay ng mga artista niya sa pelikula na sina Billy Crawford, Kean Cipriano, Eric Quizon, Martin Escudero, at Angeline Quinto. Sinasabi ngang over sa katuwaan at kasiyahan ang pelikula. Ipalalabas na ito sa August 10 sa mga sinehan.
Kay Direk Joel pa rin, walang duda na isa siya sa pinaka-busy’ng direktor ng ating bansa. Katatapos lang niyang gawin ang pelikulang “Siphayo” ng BG Productions International heto’t nagsi-shooting na naman siya ng romcom movie na “Never Been Kissed, Never Been Touched” nina Angeline Quinto at Jake Cuenca, kasama sina Tommy Esguerra and Miho Nishida ng Pinoy Big Brother.
Siya nga pala, gusto naming batiin ang direktor dahil ang kanyang pelikulang “TOMODACHI” ay nanalo bilang Best Foreign Language Film and Best Original Score for a Foreign Language Film sa Madrid International Film Festival.
Rodel Fernando
by Rod’s Nest