MATINDI TALAGA ang Aldub Fever. Patunay ay nagawang punuin ng tambalang ito nina Alden Richards at Maine Mendoza ang Philippine Arena na siyang naging venue ng concert nilang Sa Tamang Panahon nitong Sabado, October 15.
Nasa mahigit fifty thousand katao ang sitting capacity ng nabanggit na venue. Kaya nakagugulat talaga na jampacked ito to think na sa Bulacan pa ang lokasyon nito.
Kahit nga ang isa sa Eat… Bulaga! Dabarkads na si Joey de Leon, bilib sa lakas ng hatak ng AlDub.
“Matindi. Matindi talaga,” aniya. “Alam mo sa tindi, may nabalitaan ako… totoo po ito. Hindi po ako nagpapatawa. Sa tindi ng Tamang Panahon, may ililibing dapat ng Sabado. Ang ginawa ng pamilya, ipinostpone ang libing sa Linggo. Dahil baka wala raw pumunta sa libing dahil sa Tamang Panahon. So ‘yong huling panahon ng tao (na namatay at ililibing sana sa Sabado), Linggo na inilibing . Totoo ‘yan. Gano’n siya katindi, e. Kami nga mismo, amazed e. Kaming mga old timers sa Bulaga, e. Ang tindi ng dating nitong dalawa (Alden and Maine) at ng buong Kalyeserye. ‘Yong mga nasa abroad nga nagri-request ng pay per view (ng sa Tamang Panahon). E, hindi namin inaano ‘yon, e. Mapanonood din nila ‘yon. Sabi ko nga, ako ang unang nag-aano na… ilabas n’yo sa DVD ‘yong buong Kalyeserye na edited na at parang pelikula. Baka mangyari. Dahil nakatutuwa naman siyang ulit-ulitin, e.”
Gaya ng milyong followers na ng AlDub, gusto rin ba niyang magkatuluyan na ang dalawa?
“Alam mo sa akin, kung ako? E… siyempre manok namin si Alden sa studio. Alam mo, wife material si Maine. Siguro ako lang ang nagsasabi niyan, pero maraming nahihiyang magsabi. Ano siya talaga, e… paganda nang paganda si Maine. Kaya nga ano, e minsan tinanong ko na si Alden… ano, wala bang tamang pana? Kasi magba-Valentine’s Day na, e so tamang pana na.
“Gumagano’n-ganon si Alden e,” ngumingiti lang ang ibig sabihin ni Joey. “Bata rin si Alden, e. Na… ‘meron naman Tito Joey, meron naman!’ Iyon ang mga sagot niya. E… tingnan natin. Kung ako lang… sana magkatuluyan para mapanood ng Aldub nation hanggang kasal, hanggang magkaanak.”
Ninong siya sa kasal sigurado kapag nagkataon?
“E… lahat kami magni-ninong kahit hindi kami kunin. Mag-a-apply kami!” natawang sabi pa ni Joey.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan