AT LAST, may launching movie na si Joey Paras, ang Bekikang ni Direk Wenn Deramas under Viva Films. Naka-siyam na indie film na ito bago nabigyan ng break ni Vic del Rosario sa tulong ni Direk Wenn para gumawa ng mainstream na pelikula with Tom Rodriquez. Tinanghal na Best Supporting Actor sa Cinemalaya 2013 for his outstanding performance in Babagwa.
May anik-anik na pinagdaanan sina Joey P., at Direk Wenn bago naging pelikula ang Bekikang. Nang ibalita ni Direk sa kanyang protégée na ni-reject ng ABS-CBN ang project niyang Bekikang for a TV series, nalungkot sila pareho.
Kuwento ni Joey P., “Nasa Alabang center ako nang tinawagan ako ni Direk Wenn kasama ang mga theater friend. Gusto kong umiyak kasi nahi-hurt ‘yung mga taong nagtitiwala sa akin. ‘Yun ang nagpapaiyak sa akin kapag nalulungkot ‘yung friends ko. Sabi ko sa kanila, hindi na tuloy ‘yung TV show ko. Huwag kayong malungkot, kapag nalungkot kayo, hahagulgol ako. Sarili ko kaya ko ‘yun, alam kong marami tayong rejection along the way. Mahirap itong pinapasok ko pero ginagawa ko lamang para kay Direk Wenn. Kahit hindi mangyari ito, okay ako, promise!”
Inamin ni Joey P. na rejection ang nakasakit sa kanya na ayaw muna niyang i-elaborate. “One week’ yun na malungkot ako. Nagbakasyon dahil wala pa kaming soap noon. Tapos, nag-out of town kami ng friends ko somewhere in Tagaytay. May resort doon, may pool kahit malamig naliligo ako, langoy. Tapos nang ready na ako, taping na. Sabi ko, huwag masyadong matuwa, marami akong lessons in life. Sa mainstream pala, huwag kang masyadong aasa. Huwag ka ring masyadong matuwa agad-agad so, ganu’n lang, malaking lesson ‘yun.”
Kahit may solo movie na si Joey, hindi niya ito inilalagay sa kanyang isipan na sikat na nga siya. “Alam ninyo, ‘yung pagsikat na nasa isip lamang ‘yun. Sa edad ko ngayon, nang ipagkaloob kahit support happy na ako basta may work. Mayroon akong pang-daily bread, realistic lang ako, hindi ako mapaghangad. Nagkataon lang na-lead, embrace lang ‘yung kaakibat na task na ito, presscon, interview, gagampanan ko ‘yun. Ginagawa ko naman. Puwede rin akong support basta maganda ang role. Kung support ka naman nina Ate Guy at Ate Vi, bakit ang hindi, ‘di ba? Pero nakina Ate June Rufino (manager ni Joey) at Direk Wenn kung papayagan nila ako. At sana ‘yung pang second mainstream ko, si Direk uli. Feeling ko, sa kanya pa rin. Mayroon na, pero hindi ko pa puwedeng ikuwento,” tsika ng singer/comedian.
Sinabi naman ni Direk Wenn kay Joey ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang TV series sana niya sa Kapamilya Network, ayaw na nitong pag-usapan pa. Katuwiran niya, “Hahayaan ko na lang kay Direk Wenn, promise ko sa kanya ‘yun. Ayaw ko na ring magsalita dahil hindi naman direct na sinabi sa akin. Si Direk kasi ang direct contact so, siya lamang ang makasasagot. Rejection ang nakasakit sa akin na ayaw ko munang i-elaboate. Hindi naman sa ganda, hindi lang siguro ako sikat, ‘yun, ‘di ba? Naniniwala naman ako, hindi ako sikat na totoo naman.”
Ngayong naging pelikula na ang Bekikang ni Joey, do you feel vindicated? Paliwanag niya,“Yes, vindicated in the sense na nagawa namin siya nang maganda. Ako kasi, kabuuan ang gusto ko. Hindi lang ako ‘yung maganda, magaling, lahat kami. Napanood ko siya, umpisa pa lang, nakakaloka! ‘Yung “BaBagwa,” first time kong napanood ang sarili ko, nanginginig ako. Sabi ko, bakit ako nanginginig, inulit namin. Sabin ng friends ko, ‘mananalo ka.’ Sabi ko naman, wala namang contest. Na-achieve ko lahat ang gusto ko, pangit, balahura, marumi, masama, madungis, demonya, lahat na-achieve ko. Happy ako du’n. Dito sa “Bekikang”, nang pinapanood ko siya, na-achieve ko rin ‘yung gusto ko. Kinikilabutan ako kasi, ‘yun ang gusto ni Direk, tatawa tayo at iiyak na uuwi may kurot sa puso. Feeling ko, physically, naramdaman ko siya. Kasi, believable na si Bekikang ay masa. Kung napakaganda ni Bekikang, hindi tayo maniniwala sa istorya. Pero kapag nakita mo na, nakikita natin sa kanto ang mukha nito. Ay, may pag-asa tayong mga taga-kanto. Tanggap ko ‘yun, lagi kong ini-enjoy ‘yung mga role na ‘yun. Mukhang nakahalo sa crowd, ‘di ba?”
Ngayong nalalapit na ang paghuhusga sa takilya ng pelikulang Bekikang ni JP, may kaba factor siyang nararamdaman. Hindi nga niya masabi kung kikita ito o hindi. “Ayaw kong mag-isip, kung anuman ang maging resulta nito, embrace mo na lang. Kung kumita siya, thank you Lord. Hindi kasi ako sure, alanganin ako. Kung ano ‘yung outlook ko sa indie movie ko, kumita o hindi, alam kong maganda ‘yan. First time kong gumawa ng mainstream kaya may takot factor ko du’n,” turan niya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield