NANG MADAAN AKO sa radio program ng kaibigang Jobert Sucaldito, kasama sina Boy Romero, Wendell Alvarez at Leo Bukas, ang pinag-uusapan ay tungkol sa kumalat na larawan at video ng mina-manage ni Leo na galing sa Bahay ni Kuya na si Johan Santos.
Nagpaliwanag na si Leo na napanood na nila mismo ni Johan ang nasabing video kung saan may kalaswaang ginagawa sa kanyang sarili ang kinunan doon. ‘Yun nga lang, kahawig na kahawig nito si Johan, lalo na kapag ngumiti na.
Nang matapos ang kanilang radio program, dumaan kami sa isang internet café para makita naming lahat ang sinasabing video at nang mapatunayan ngang kapag binuo na ang panonood sa nasabing video na ikinalat sa isang website eh, mapapatunayang hindi ‘yun si Johan na alaga ni Leo.
Ang nasabi lang namin, siguradong sisikat itong si Johan dahil ngayon pa lang, may nag-aksaya na ng panahon para paingayin ang pangalan niya. ‘Yun nga lang, sinimulan sa isang negative note. Pero dahil nga ang dali namang mabuking na pambibiktima lang sa bagong sumasalang sa mundo ng showbiz ang ginawa, at the end of the day, magiging positibo ang mga pangyayari kay Johan dahil lalabas ang katotohanan!
Teka nga, hindi pa ba magkakaroon ng batas para sa mga ganitong klase ng mga isyu?
Hahanap ng artistang kamukha. Ipalalabas at ipakakalat sa internet o sa world wide web. Paiingayin. Uumpisahan bilang tsismis. Ang mga nagpapabiktima naman, parang enjoy pa sa ilang minuto ng panahong mapag-uusapan sila.
Actually, sa iba pang nakasama naming nakapanood sa nasabing video, may nakatukoy na sa identity sa lalaking sinabing si Johan daw. ‘Di ba dapat, may katumbas na parusa rin ang mga ito?
MAY NAKARATING SA aking reklamo hinggil sa aktor na si Carlo Maceda.
Diumano, sa pamamagitan ng isang produkto rin ng Bahay ni Kuya na si Nene Tamayo, inirekomenda nito si Carlo sa isang bagong indie director na si Mel Magno, para magawa nila ang isang pelikulang kinunan sa Pampanga na ang tema ay may kinalaman sa terorismo at sa mga naho-hostage na mga bata.
Dahil may business diumano si Carlo, kung saan nagpaparenta ito ng mga equipment na puwedeng gamitin sa paggawa ng pelikula, napapayag naman daw ito na bayaran ang ang kanyang serbisyo kasama ang kanyang mga gamit sa halagang P300,000.00.
Pero nang lumaon daw, humihingi ng karagdagang singil si Carlo para sa iba pang mga gastos. Na nagkakahalaga ng P120,000.00!
Ang punto naman daw ng producer at direktor na si Mel ay ang ma-liquidate lang ang lahat ng pinaggastusan sa sinisingil na halaga sa kanya since tight naman usually ang budget sa paggawa ng isang indie film. Pero, wala raw maipakitang mga resibo si Carlo. At nang kino-contact na ito ni Nene eh, hindi na nila mahagilap.
Ang siste, na kay Carlo ang pelikula. Siya ang may hawak ng natapos nilang produkto. Ang masaklap, diumano, tinatakot nito ang nasabing direktor at producer, na kapag hindi siya binayaran sa halagang kinukulekta niya eh, susunugin niya ang nasabing pelikula.
Apparently, trust ang pinanghawakan ng bawat panig sa usapang ito. Malamang na walang kontratang napirmahan. Kaya it’s one’s word against the other.
Bukas ang pahinang ito para sa paliwanag ni Carlo. At p’wede pa rin naman siguro silang magkaayos ng nasabing direktor at producer na nagkaroon na rin ng karanasan sa pagdidirek sa mga stageplays at nakatrabaho na rin ang ilang bigating mga direktor.
Kung hindi makukuha ng nasabing direktor ang kanyang pinaghirapang pelikula, malamang na sa demandahan pa mauwi ang lahat.
Ano ‘to? Hino-hostage ang sariling pelikula?
The Pillar
by Pilar Mateo