NAPANOOD NA ni John Arcilla ang Suarez: The Healing Priest na pinagbibidahan niya at kasali sa 10 pelikulang mapapanood simula Dec. 10 para sa Metro Manila Film Festival via Upstream.Ph. Kabado si John sa simula ng pelikula dahil kasama niya sa preview room ang ilang film critics and reviewers.
“Natatakot kasi ako na baka hindi nila magustuhan yung pelikula. First time ko lang din kasing mapapanood and I don’t know what to expect,” pahayag sa amin ni John who is playing the role of Fr. Fernando Suarez sa pelikula.
Patuloy niyang kuwento, “Dahil kinakabahan ako nang sobra, ang balak ko talaga sana after mapanood ang pelikula ay aalis na ako, didiretso na ako sa sasakyan ko. Takot kasi akong makarinig ng mga hindi magagandang comments. Hindi ko alam kung ano sasabihin nila, eh.
“Pero habang pinapanood ko yung pelikula, nakaramdam ako ng pride kasi ang ganda. Kung nung simula ayokong ipaalam na kasama nila akong nanonood, parang yung upo ko medyo patago pa, yung mga sumunod na minute sobrang proud na ako sa pagkakaupo ko. Parang, ‘Ang ganda ng pelikula namin, ang sarap ipagmalaki.’”
Kung paano raw siya naging proud noon sa Heneral Luna ay ganun din ang naramdaman niya sa Suarez: The Healing Priest.
“Oo. Sobra. Paulit-ulit ko ngang sinasabi kay Direk Joven (Tan) na ang ganda ng pagkakalatag at pagkakatahi ng mga eksena. Ang gagaling din ng mga kasama kong artista.
“Hindi siya masyadong ma-santo. Hindi siya masyadong naka-leaning do’n sa ‘ himala ito.’ Ang ganda-ganda, napaka-balance. Yon nga lang, sabi ko, wala sanang mga hard liners na critics na ang maging tingin nila do’n sa movie ay very preachy. Actually, it’s not preachy, eh, it’s part of his ministry, eh. And yon siya, eh,” pahayag ni John sa amin.
Bukod sa pagiging proud ay inamin din ni John Arcilla na maraming beses siyang umiyak habang pinapanood ang kanyang sariling pelikula.
“Ang dami kong iyak nagtataka ako. Alam mo yung nakikita ko yung sitwasyon. Tapos yung nararamdan niya nararamdaman ko rin at siyempre naalala ko siya.
“Tapos do’n sa eksena na sabi ko, ‘Let’s pray, ano gagawin natin? Magdasal tayo’ Shock, umiyak ako, bumagsak yung luha ko. Hindi siya nagsasabing umiyak ka dito, pero hinihipo ka niya. I am so happy.
“Hindi ko ito sinasabi dahil pelikula namin ito at nagmamapuri ako pero I am happy talaga,” deklara pa ng award-winning actor.
Naniniwala si John na kikita ang pelikula at magiging malakas ang word of mouth nito once mapanood na ito ng mga tao.
“Confident ako sa pelikula. Sana maging katulad din ang effect nito sa nilikha ng Heneral Luna,” sambit niyang may pagmamalaki.