MINSAN PA, PINATUNAYAN ni Manny Pacquiao na siya pa rin ang world’s best fighter pagdating sa loob ng ring. Walang kahirap-hirap na tinalo niya ang kalabang si Shane Mosley. Ang sambayanang Pinoy, muli na namang nagbubunyi sa panalong ito ng tinaguriang Pambansang Kamao.
Kaparis ng naging laban ni Pacquiao kay Mosley, suwabe at walang sabit din nang awitin ni Charice Pempengco ang Lupang Hinirang. At least, maayos ang pagkakakanta niya. Unlike the other singers before who sang the Philippine national anthem during Manny’s previous fights na may sari-ling version ng pagbirit nito kaya naiiba ang tono. Na ewan lang kung sinadya ba ng mga ito para mapag-usapan sila o talagang gusto lang nilang gawan ng bagong version ang ating Pambansang Awit. Tuloy, katakut-takot na batikos at negatibong puna ang inani nila.
Hindi lang nababanggit kung magkano talaga, pero maugong ang usap-usapang ang laki raw talaga ng ibinayad kay Charice. Siya nga raw ang highest paid sa lahat ng mga nabigyan ng pagkakataong kumanta sa laban ni Pacman.
Kung totoo man ito, hindi naman kakuwestiyon-ku-westiyon. Ikaw na ang maging international singing sensation na gaya ni Charice.
Naman!
HINDI PA RIN daw nagkakaroon ng pagkakataon si John Estrada na magkausap sila ni Willie Revillame mula nang magka-isyu sa pagitan nila nang tanggapin niya ang alok na noontime show ng ABS CBN na Happy Yipee Yehey. Ito’y sa panahong may inaayos sanang pangtanghaling programa rin sa TV5 para sa kanya si Willie. Na ikinasama nga ng loob ng huli.
Pakiramdam ni Willie, binale-wala ni John ang pagpupursigi nitong magkaroon pa ng ibang show (bukod sa dating sitcom ni John sa Kapatid Network na Everybody Happy) siya sa TV5. At ang mas ikinasama pa ng loob ng TV host, sa ibang tao pa niya unang nalaman at hindi kay John ang tungkol dito.
Na hindi naman daw nga intensiyon ni John na hindi ipaalam kay Willie. Tumitiyempo lang daw sila ni Randy Santiago para sabihin sa kaibigan ni-lang TV host ang tungkol dito. Kaso’y naunahan na nga sila ng paglabas ng balita about it.
Sabi pa ni John, gusto raw sana niyang i-text si Willie nang nagkakaproblema ito tungkol sa kontrobersiyang nag-ugat sa pagsasayaw ng ‘macho dance’ ng isang six-year old boy na contestant ng Willing Willie. Pero minabuti umano niyang huwag na lang mag-text. Baka raw kasi iba ang maging dating.
Kilala raw kasi niya ang kaibigang si Willie na baka he might take it the wrong way kung magti-text siya rito during that time. Kumbaga, naisip niya na the best thing to do is to keep quiet na lang.
But he really feels sorry for Willie raw. Naniniwala umano si John na hindi alam ng TV host ang extent ng ginawa nito.
Aniya pa, “Dahil nga inilagay ko ang sarili ko roon, baka hindi ko rin alam na masama pala iyon. At hindi pala puwede iyon. Ang alam kong iniisip ni Willie roon eh, makapagpasaya lang. Aral sa aming lahat na TV hosts ang nangyaring iyon. Na hindi puwedeng ganunin ang isang bata na para sa ‘yo, kasayahan lang iyon pero hindi pala.”
Nakatakdang mag-resume ngayong araw na ito sa ere ang Willing Willie. At masaya raw si John kaugnay nito.
Naniniwala naman si John na magkakaayos pa sila ni Willie. Kahit sinasabing malalim ang hinanakit sa kanya ng huli.
“Siguro… in time,” aniya nga. “Hindi ko lang alam kung kailan ‘yong time na ‘yon.”
Hindi lang daw niya masabi kung paano ba sakaling dumating ang pagkakataon na mag-ayos sila ni Willie. Kung ano raw ba ‘yong first move na kailangan niyang gawin. Kasi kung alam daw niya, matagal na niyang ginawa. Pero anuman daw ang mangyari, mananatiling kaibigan pa rin ang turing niya kay Willie.
Speaking of pagbabalik sa ere ng Willing Willie, dapat nga sigurong iba-yong ingat na ang gawin ng host nito na si Willie Revillame. Gawin kaya niya ‘yong nasabing payo para sa kanya ng naunang namayagpag ding game show host noon na si Pepe Pimentel.
Opinyon kasi ni Tito Pepe, kung gano’n din lang na laging may mga nag-aabang para makahanap ng ibubutas kay Willie, makabubuting panoorin na lang daw lagi nito ang lahat ng ume-ereng episodes ng Willing Willie. Para at least ay ma-review raw kung may mga mali ka as host na hindi mo mapapansin sa panahong umeere nang live ang show.
Oo nga.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan