NALUNGKOT DAW ang production ng pelikulang Juana C The Movie na pinagbibidahan ni Mae Paner (aka Juana Change) at John James Uy dahil halos dalawang minuto ng kanilang love scene ang binigyan ng ‘X’ rating ng MTRCB, kaya naman iniksian ito.
Ipinasilip ang nasabing eksena sa presscon nito last Tuesday at talaga namang maselan nga ang nasabing love scene, dahil halos dalawang minuto ang haba nito at ipinakita pang tayung-tayo ang nota ni John James sa loob ng underwear.
Matapos nito, walang kiyemeng naghubad si John James at kitang-kita ang kabuuan ng kanyang puwet sa isang maselang pumping scene.
Ayon naman kay James, wala namang problema sa kanya ang pagpapakita niya ng puwet dahil kailangan naman daw sa eksena at lumaki naman siya sa kulturang hindi masyadong pinapansin ang pagpapakita ng kahubdan.
Sa tanong kung handa na ba siya sa mga frontal nudity sa mga susunod niyang proyekto, wala naman daw problema kung talagang maganda ang istorya. Kumbaga, he will do it for nothing.
Aabangan ko ‘yan.
NAGTAKA NAMAN kami, hindi pala si Marian Rivera ang naunang umalis sa poder ni Popoy Caritativo kundi mas nauna pala rito ang Kapatid star na si Martin Escudero. Ayaw namang itsika ng aming source ang totoong dahilan ng pag-alis ni Martin sa kuwadra ni Popoy, pero malalim na malalim daw ang dahilan.
Dagdag pang tsika ng aming source, nang malaman daw ito ni Marian, nagpasya na rin daw itong kumawala na sa manager.
“Basta, abangan n’yo na lang, ‘yan ang malaking pasabog sa showbiz kapag lumabas na ang totoong dahilan ng pagkalas nina Martin at Marian kay Popoy,” matalinhaga pang pagtatapos ng aming source.
Naku ha, ‘di namin maatim kung ano nga ba ito dahil tikom talaga ang kanyang bibig. Sasaliksikin pa namin ang tsikang ito.
MASAYANG-MASAYA ANG Executive Director ng Philpop Musicfest Foundation na si Ryan Cayabyab dahil super successful ang ang screening nila ngayong taon ng naturang songwriting competition dahil halos apat na libong komposisyon ang kanilang natanggap. Layunin ng kumpetisyon na makatulong sa nation building sa pamamagitan ng musika.
At nitong Martes, lumabas na ang top 12 finalists kung saan dumaan daw ito sa masusing pagsusuri ng halos isandaang panelists. Kabilang sa mga kompositor na nakasali sa top 12 ay sina Paul Armesin (Segundo), Marlon Barnuevo (Araw, Ulap, Langit), Jungee Marcelo (Pansamantagal), Johnoy Danao (Kung ‘Di Man), Raffy Calicdan (Space), Gani Brown (Askal), Myrus Apacible (Sana Pinatay Mo Na Lang Ako), Adrienne Sarmiento-Buenaventura (Sometimes That Happens), Marion Aunor (Do, Do, Do), Thyro Alfaro and Yumi Lacsamana (Dati), Lara Maigue (Sa ‘Yo Na Lang Ako), at Joey Ayala (Papel.)
Parang hati sa mga baguhan at mga may experience na rin sa songwriting competitions ang mga finalist, katulad na lamang ni Marion Aunor na kamakailan lamang ay 3rd placer sa Himig Handog.
Ang Philpop Musicfest Foundation ay pinamumunuan ng may-ari ng TV5 na si Mr. Manny V. Pangilinan at sa July 6 ang nakatakdang finals night nito. Isang milyong piso ang mapapanalunan ng magwawagi sa pakontes na ito. Congrats!
BLIND ITEM: Tawa kami nang tawa sa tsika ng isa naming kaibigan. Kuwento niya kasi, awang-awa na raw siya sa kanyang kaibigan dahil parang, ‘one man-show’ lang daw ito, literally sa kanyang show.
Aniya, “Imagine, siya na nga ang producer ng show, siya pa ang talent coordinator. Literal na siya ang nagtatawag ng mga kaibigan niyang artista para mag-guest sa show.”
Payo raw nila sa kaibigan, itigil na raw niya ang show para raw hindi na siya magastusan pa nang husto, dahil hindi naman daw siya tinutulungan ng istasyon.
“Eh, matigas ang ulo niyan, ewan ko sa kanya. Sana nga pakinggan na niya kami dahil parang naramdaman naming pagod na pagod na siya.”
Ay, oo nga naman! Minsan nasilip namin siya na tumalun-talon sa kama kasama ang kanyang guest. Eh, ‘di kung pagod, tulugan na lang niya ‘yung kama. Siguro at peace siya ‘pag nakaidlip na siya. Ayan na ang clue, ha?
Sure na ‘to
By Arniel Serato