AT LAST, MABIBIGYAN na ng launching movie si John ‘Sweet’ Lapus under Regal Films. Kung tutuusin nga, matagal nang dapat may solo film ang magaling na komedyante. Subok na ang galing at husay niya sa larangan ng pagpapatawa. Hindi na rin mabilang ang mga comedy films na ginawa ni Sweet na talaga namang humataw sa takilya.
Sinasabing hindi pa raw hinog si John para magdala ng sarili niyang pelikula. Kung si Vice Ganda, nabigyan agad ng solo film ng Viva Films ni Vic del Rosario, bakit ang isang John Lapus ay hindi? Malaki ang tiwala ni Mother Lily Monteverde sa kakayahan ni Sweet. Hindi ba’t paborito siyang comedian ni Direk Wenn Deramas, lahat ng pelikulang ginawa nito markado palagi ang papel na ginagampanan niya.
Mismong si Mother Lily ang nagsabing ready na si Sweet para i-launch sa taong ito. At alam niyang hahakot sa takilya ang first movie ng comedian/TV host.
“Lucky charm ko si Sweet. ‘Yung mga movies ko na kasama siya, kumita talaga. Pati nga directors ko, gustung-gusto siyang isinasama sa cast. Iba ‘yung timing niya pagdating sa mga eksenang kailangang patawanin mo ang tao. Magaling siya at naaaliw ako kapag eksena na niya,” papuring sabi ng big boss ng Regal Films.
Ayon kay Mother Lily, pinagpipilian niya ang “Col. Gringa” at “Lipstick” na ginawa rin noon ng Regal Films na ang bida ay si Roderick Paulate. “Gusto kong magpatulong kay Kuya Roderick. Sana makumbinsi ko siyang mai-cast sa launching movie ko. Nangako na sa akin sina Eugene Domingo at Vice Ganda kaya ang kulang na lang ay si Kuya Dick. Tulungan kasi kami, sumuporta kasi ako kay Uge sa launching ng movie niyang Kimmy Dora at kay Vice sa Petrang kabayo.”
Malaki ang naitulong ni John sa pelikulang Shake, Rattle and Roll 12 at Super Inday and the Golden Bibe na kalahok sa nakaraang Metro Manila Film Festival.
“Mabait na bakla si Sweet. Marami rin siyang pinagdaanan sa buhay.Matagal na siya sa showbiz at siya lang ang nagtatrabaho sa kanyang pamilya. From rags to riches din ang istorya ng buhay niya. Katulad din siya ni Shalala na hindi tinanggap ng kanyang ama dahil bakla siya,” kuwento ni Mother.
Habang si Sweet ay tahimik lang na nakikinig sa tsika ni Mother Lily. Siyempre, umiral ang pagkamadaldal nito at itinuloy niya ang tsika.
“Matagal-tagal din akong umupa ng kuwarto sa bahay ni Direk Wenn Deramas. Pero dahil sa dalawang pelikulang ibinigay ni Mother na pang-MMFF, nabuo ang perang pampagawa ko ng sarili naming bahay. Nag-offer nga si Mother na palagyan ng swimming pool, kaya lang hindi naman ganu’n kalaki ang lote ko.”
Pagdating sa pakikisama, champion makipagkaibigan itong si John. Walang arte sa katawan, kahit saan puwede basta trabaho.
“Kapag sinasabi nilang 2nd or 3rd choice lang ako sa isang project, tinatanggap ko pa rin. Ang importante, blessing ‘yun. Ang ginagawa ko nakikipag-usap ako sa director like si Direk Topel Lee na director ko sa Super Inday. Nakikinig ‘yan sa suggestion ko. Tino-tolerate niya ang kiyeme ko kaya nakatutuwa naman.”
May intriga pala sa pagitan nina Sweet at Shalala. Tinawagan pala niya ang controversial na si Shalala, pinagsabihan at inaway-away.
“Huwag mo akong maba-blind item na hindi naman totoo. Subukan mong ulitin at tatamaan ka sa akin,” pagtataray na sabi nito sa dating kasama sa Kapuso network.
Hindi na raw sumagot si Shalala sa mga sinabi ni John pero halata niyang nakaramdam ito ng takot. Trabaho lang naman ‘yun, walang personalan.
Pinayuhan na lang nina Mother Lily at Manay Chit Ramos si Sweet na nakinig naman. Kung naalala ni John, nasa ganitong kalagayan din siya noong time na nasa Dos pa lang siya. Nagba-blind-item din siya noon at may clue kaya marami ang nagalit at nagbanta sa kanya. Dumating pa nga sa point na nakiusap na siya sa mga biktima niya na huwag mapikon at trabaho lang ‘yun.
Basta, this 2011, abangan ninyo ang launching movie ni John “Sweet” Lapus!
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield