ILO-LAUNCH NA nga via Bekikang ang napakahusay na support ni Iza Calzado sa Kapag Puso’y Masugatan at napapanood na rin sa mga pelikula ni Direk Wenn Deramas, si Joey Paras.
Excited na nga kami para kay Joey, lalo na’t mapapanood na simula ngayong araw ang Dance Of The Steel Bars, kung saan bida rito si Dingdong Dantes at kasamang bilanggo naman si Joey.
Mukhang maganda ito, kaya panonoorin namin, lalo na’t laging in character si Joey ‘pag gumaganap. Heto’t siya na ang Bekikang na dati’y planong gawin itong serye, pero gagawin na lang pelikula na isusulat at ididirek ni Direk Wenn.
Sa nakikita namin kung sino ang female version ni Joey, ‘yan ay si Eugene Domingo. Kaya wish namin kay Joey, sana’y ‘wag siyang baguhin ng tagumpay at palaging nakasayad ang mga paa sa lupa.
AN’TAGAL NA rin namin sa industriyang ito. 24 years to be exact at kahit paano, kahit konti, meron din naman kaming “pinaglagyan” ng aming munting talento.
An’dami na ring artistang nasubaybayan naming nag-umpisa, nakilala, nagtagumpay, nalagay sa ulo ang success at na-witness din namin kung paanong bumagsak o lumagapak ang career.
Akala kasi nila, ang tagumpay ay wala nang katapusan. Ang hindi nila alam, ang tao, laging naghahanap ng bago. Kahit gaano ka kagaling, pero kung nakauumay ka na, hindi mo namamalayan, lumilipat na sila ng iidolohin o panonoorin.
Minsang may nagsabi sa amin, “Ba’t hindi mo kinarir na sumikat, Ogie? Eh, ‘di sana, bongga ka na ngayon?”
Bongga naman kami, ah? Hindi nga lang sa yaman o sa fame, pero “achievement” na rin para sa amin ang kung anuman ang narating namin ngayon. Dito pa naman, ang labanan dito ay staying power.
Minsan nga, sikat na sikat, biglang ano’ng nangyari? Ba’t nagumon sa sugal? Ba’t adik na ngayon?
Meron ding sikat na sikat, ba’t biglang an’daming kaaway?
Actually, mauubos ang espasyo natin kung iisa-isahin namin ang mga nasaksihan naming pagsira ng mga sikat na artista sa kanilang estado at pangalan.
Kaya rito, ‘pag dumating ka ng dalawang dekada, at naipagpatuloy mo pa hanggang sa dito ka na mamatay, masuwerte ka na.
NAKAKATUWA SI John Lapus, dahil siya mismo ang punung-abala sa paghingi ng suporta sa mga friends niya para i-promote ang kanyang “Sweet In A Box” concert sa Music Museum sa June 15.
May PR namang gumagawa, pero siguro nga, gusto lang makasiguro ni Sweet na magiging successful ang kanyang anniversary show, kaya siya na mismo ang kumikilos.
20 years na sa showbiz si Sweet at binonggahan na raw niya nang husto ang kanyang concert, dahil another “buwis-buhay” ang kanyang gagawin at ipakikilala raw niya sa mga tao ang mga totoong nangyayari sa showbiz at siyempre, ang kanyang impersonation kay Kris Aquino bilang Kris Aquino.
Susuportahan din si Sweet ng kanyang mga friends na sina Angeline Quinto, Enrique Gil, Xian Lim at ang sexy actor na si Jake Cuenca.
For tickets, please call 0927-7515726/0923-9299994 or sa ticketworld hotline 891-9999.
Good luck, Sweet, at sana’y hindi maging kontrobersiyal ang iyong show.
PAKISUYO: HUMIHINGI ng paumanhin ang Greendie Films sa pangunguna ng managing director nito na si John Bariuad sa pamunuan ng MTRCB, lalo na sa mga nakakita ng publicity material ng gay film na “Gapang” sa theater lobby ng Robinson’s Galleria kung saan hindi pa ito aprubado ng MTRCB.
Bilang pagsunod sa rules and regulations ng MTRCB, nangangako ang Greendie Films Productions na ibayong pag-iingat na ang kanilang gagawin sa mga susunod na pagkakataon at sisiguraduhing lahat ng ilalabas na publicity materials ng pelikulang kanilang ipinoprodyus ay selyado at aprubado ng MTRCB.
Nagpapasalamat naman ang Greendie Films at sa pamunuan ng MTRCB sa maayos at istriktong pamamalakad ng kanilang opisina.
Oh My G!
by Ogie Diaz