TANGGAP NI John Lapus kung hindi agad siya nabigyan ng solo movie. Wala siyang sama ng loob kung sa ibang comedian napunta ang project na dapat ay para sa kanya.
“Kung para sa akin, mangyayari ‘yun. Nakapagbida na naman ako sa pelikula, hindi nga lang solo. By June, expired na ‘yung contract ko sa Viva. Bigyan man ako o hindi ng solo ng kahit anong movie company, I really don’t mine. Kasi, okay lang ako nang ganito, grupo kami at saka support.
“Ang feeling ko, magaling akong mag-blend sa mga kasama ko. Sa “Here Comes The Bride” puro kami komedyante, iba-ibang character – Eugene Domingo, Angelica Panganiban, Jaime Fabregas. Sa “The Crying Lady”, limang lalaki naman ang kasama ko. Gusto ko pa ring magkaroon ng solo movie, hindi ako nagmamadali.
“Sabi ko nga, kapag support ka lang sa bida mahaba ang pisi, mas maraming role ang puwede mong gawin. Puwede kang gumawa ng dalaw o tatlong pelikula sabay-sabay. Ito, kahit support nga ako rito sa pelikula namin (Da Posessed), nakakagawa ako ng mga show sa TV. Mas magiging flexible ang schedule, ‘di ba?”
Kung sina Vice Ganda, Joey Paras at ngayon nga si Shalala ay nagbida na sa pelikula, bakit ang isang John Lapus ay hindi? “Feeling ko, nagkaroon ng launching movie sina Vice, Joey at ito na nga si Shalala dahil deserving naman silang magkaroon ng solo movie. Siguro ‘yung producer sila talaga ang ina-eye for that particular role na sa kanila talaga nababagay. Wala namang problema du’n. Mahirap ding maging bida, bida ka nga hindi naman kikita ang pelikula mo. Pag-uusapan na flop ang pelikula mo. Baka maapektuhan pa ang pagsu-support ko sa pelikula at TV. Happy ako sa takbo ng career ko ngayon. Sunud-sunod ang movie at TV project ko.
Excited ding gumawa ng indie film si Sweet. Katunayan nga, nakausap na niya si Atty. Jojie Alonso for a film at willing siyang makipag-co-produce. Kung kailangan niya ng partner, puwede ako. Siyempre nasa cast din ako. ‘Yun bang ‘yung ambag ‘yung talent fee ko. Hindi pa ako nakakagawa kaya nga interesado ako. Sa awa naman ng Diyos, kinukuha pa rin ako. Sabi ko nga, when it rains it falls. Pinagdasal ko nga kay Lord na next time, huwag silang sabay-sabay. Nangangarag ako. Kahit wala akong tulog, okay lang, kaysa nganga.”
Kinakarir na ni Sweet ang pagpapapayat, this time daw seryoso. “‘Yun nga ang ginagawa ko ngayon. Ang daming trabaho, mukhang papayat na akong talaga. Baka may kilala kayong doktor, wala kasi akong doktor ngayon.”
Anong alam ni Sweet tungkol sa issue kina Kris Aquino at Herbert Bautista? “Sa news ko na lang nalaman ‘yun. Hindi pa lang kami nagkikita ni Kris after na sumabog itong balita. Tatanungin ko siya once na magkita kami. Hindi ako nakakapag-guest sa Kris TV dahil may ginagawa ako. Dapat harapan mong tinatanong si Kris, ganu’n kaming klaseng magkaibigan. When we talk, we make sure face to face, eye to eye. Kung may alam man ako, pangit na ako ang nagsasalita for Kris.”
Palibhasa, best friend ni Sweet si Kris kaya naitanong sa kanya kung may katotohanan ang romansa tungkol kina Kris at Mayor Herbert. “She looks happy and beautiful. Ang ganda ng bruha, parang may inspirasyon talaga. Sabi ko nga, kung totoong may inspirasyon si Kris, o may love life o may nagpapakilig sa kanya, happy ako for her. She’s happy and contented. Kung sila nga ni Herbert, why not? Kaibigan ko si Herbert, gentleman, intelligent at that, and I heard na single naman si Kuya Herbert ngayon, so walang masama. Sinasabi ko naman kay Kris, kung sinuman ang makakarelasyon niya, mas matalino sa kanya or at least, ‘sing talino niya. Kung si Herbert man ‘yun, I understand kasing talino naman niya si Herbert, magkakasundo sila,” pahayag ni John.
Kasama si John sa pelikulang Da Possessed na pinagbibidahan ni Vhong Navrro. Nasa cast din si Solenn Heussaff at ang mga magagaling na komedyante at character actors na sina Joey Marquez, Smokey Manaloto, Empoy, Beverly Salviejo, Lito Pimentel, Joy Viado, Aaliyah Belmoro at Matet De Leon. Produced ito ng Star Cinema at Regal Films.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield