SA UMPUKAN NG ilang writers, napag-usapan ang tungkol sa gagawin o nagawa nang launch uli ng iniendorso ni John Lloyd Cruz na brand ng isang pizza.
Naloloka kasi ang ibang writers sa sinabi ng nagpaimbita nito na hindi raw nila inimbita ang entertainment writers. Dahil lang sa gusto nilang iwasan ang mga tanong tungkol sa pinasabog naman ni Ruffa Gutierrez na isyu sa pagiging diumano’y lasenggo ng aktor.
Sa mga nasabihan at naimbitahan na mostly nga are from the broadsheets, may nag-react!
Sabi nga nito, para ano pa raw at iimbitahin sila kung hindi naman sila magkakaroon ng kalayaan na itanong sa aktor ang naging isyu na nga, mula sa bibig ng dati nitong naka-relasyon. ‘Yun na nga raw ang isang venue para makapagsalita si John Lloyd about it, at kung meron man itong kailangang linawin eh, masabi na niya nang diretsahan.
Dito nga rin naguguluhan ang maraming writers. Kapag may issue sa isang artista, hindi pinapasagot sa mga ito ang mga dapat nilang linawin. Kaya sa halip na matapos o maisara eh, lalo lang humahaba at lumalala.
Biro tuloy ng isa pang writer, eh p’wede naman daw magtanong kay John Lloyd kung sakali na pasok pa rin ang pizza na ipino-promote niya.
“Does beer go well with (blank) pizza?”
Marami naman daw paraan para masagot ang isang tanong. Dyan din nga raw masusubok ang katinuan ng pag-iisip ng iniinterbyu at kung paano siyang tatayo to the challenge. Hindi rin naman daw kasi maganda ‘yung lagi na lang para silang nakakapit sa pundya ng kanilang mga networks na parang lahat na lang nang sasabihin nila eh, naka-script at iniuutos sa kanila.
Well, gone are the days. Iba na nga talaga ngayon.
Pero kung pagpo-promote ng nasabing pizza ang gusto ng humahawak sa PR nito eh, bakit pa nila kailangang isalang si John Lloyd kung iuutos din lang daw ang mga puwedeng itanong dito.
Naku, nasaan ba si Diether Ocampo? Mas masarap ang tsikahan sa kanya kahit saang branch nu’ng pizza na iniendorso niya! At ito eh, no-holds barred kapag nakipagtsikahan!
Pero, oo nga. Kung makasalubong din namin si John Lloyd, isa pa rin ‘yung sa tanong na patuloy naming hahanapan ng kasagutan sa kanya.
Right, Ruffa G.?
BIG NEWS NGANG pinag-uusapan ngayon ang nakumpirma nang paglipat ng Megastar na si Sharon Cuneta sa Kapatid Network, nang pumirma ito ng five-years contract sa Marajo Building ng TV5 sa Bonifacio Global City noong Martes ng hapon.
Ayon sa balita, daily show, reality show at isang pelikula ang nakatakdang maging proyekto ng Megastar sa nasabing network.
Nauna na ritong umugong ang malakas na balita sa nasabing pagtuntong ng Megastar sa network na pag-aari ng masasabing kapamilya at kapuso rin niya na si MVP (Manny V. Pangilinan), nang ibigay ito bilang isang naghuhumiyaw na blind item ni Willie Revillame sa kanyang programa sa Wil Time Big Time.
At sinundan pa ito ng umu-gong ding balitang biglaang pagtapos sa palabas ni Megastar sa Lifestyle Network ng ABS-CBN, ang Sharon @ Home. Kung saan diumano, sinabi ng ilang staff na sila man ay nagulat at wala nga raw silang alam na agad nang matatapos ang nasabing palabas na kumbaga eh, brainchild din ni Mega.
Matapos ang pagpirma ni Mega sa bago niyang tahanan, kung saan kasama niyang nakipag-negotiate ang kanyang managers na sina Sandra Chavez at Boss Vic del Rosario, pinadalhan ko ng text message ang Megastar ng pagbati sa kanyang bagong journey.
Simple lang ang sagot nito sa akin, “Thank u ate. Luv u.”
Sinundan ko ito ng tanong, dahil matagal na rin naming nami-miss na maka-tsikahan si Mega kung kailan namin siya makakatsika uli at sumagot naman ito. “Lapit na Te. Kachika ko now bosses.” Kung saan kasama nga niya sina Atty. Ray Espinosa, ang TV5 President and CEO at si Mr. Bobby Barreiro, ang TV5 Chief Operating Officer.
Expect more pasabog sa mga sisimulan ni Mega na trabaho sa nasabing network. Hindi pa kumpirmado pero sinasabing isang bilyon ang katumbas ng naging desisyon nito sa kanyang bagong journey in life.
The Pillar
by Pilar Mateo