TALIWAS SA naglabasang nag-isnaban daw sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao nang magkita sa Star Magic Ball.
Ayon kay Vina Morales, siya ang kasama ni Shaina nang dumalo sa Star Magic Ball at nang magkita nga raw ang dating magdyowang John Lloyd at younger sister niya na si Shaina, nagbatian naman daw ang dalawa. Pero hanggang batian na lang daw ang nangyari sa dalawa.
Base na rin sa naging pahayag ni Vina, masaya na ngayon ang younger sister. Lumalabas na rin daw ito pero ‘di malinaw kung nakikipag-date na sa ibang lalaki si Shaina.
Basta ang malinaw, masaya na ang kapatid niya sa pagiging single at sa pag-e-extend ng daytime series nito sa ABS-CBN, mas lalong sumaya ang younger sister niya. Marami raw nagpaparamdam sa kapatid na karamihan ay non-showbiz, pero ‘di lang masagot ni Vina kung handa na bang magmahal at magka-boyfriend uli si Shaina.
“Hindi ko naman kasi hawak ang puso ng kapatid ko (Shaina) kung kailan siya iibig at magtitiwala uli,” say ni Vina.
Nang matanong si Vina sa relasyon ngayon nina John Lloyd at Angelica Panganiban, ayaw magbigay ng comment ng singer/actress dahil ‘di raw niya sakop ang buhay ng ibang tao.
Kung ang lovelife naman ni Vina ang tatanungin, may kakaibang ngiti sa mukha ng actress. Pero ayaw niyang magbigay ng detalye, baka raw kasi maudlot at hindi mag-prosper.
Ingat na ingat na si Vina na pag-usapan ang kanyang lovelife para raw mapanatili ang privacy ng personal niyang buhay. Ibalato na raw muna ito sa kanya at kapag stable na, hindi naman daw niya ito itatago sa publiko.
Wala pang regular series si Vina sa ABS-CBN. Puro guesting lang muna ang pinagkakaabalahan niya. Nag-taping daw siya last Tuesday ng Wansapanataym.
Maganda pa kay Vina, hindi nagbabago ng ugali magmula nang magsimula sa showbiz, hanggang ngayon ay ganoon pa rin siya na down to Earth makipag-usap na walang halong kaplastikan.
IBABALIK SA telebisyon ang Pepito Manaloto na biglang tinapos sa ere ng GMA-7 noon dahil wala na raw maisip pa si Michael V at mga scriptwriter na kung ano ang susunod na eksena ni Pepito.
Sa launching kamakalawa, ipinaliwanag ni Michael V na kailangan na nilang tapusin ang sitcom na tinawag nilang Book 1 pero ngayon ay mayroon nang Book 2 na ilalabas nga next week.
Sa Book 2 ng Pepito Manaloto, mismong istorya ng pamilya Manaloto na ang masasaksihan ng televiewers, matapos silang manalo sa Lotto noon.
Sa Book 2, wala na si Carmina Villaroel at inamin din ni Bitoy na wala naman daw talaga sa tunay na buhay ni Pepito Manaloto ang role ni Carmina. Dalawa naman ang naging kapalit nito, sina Jessa Zaragoza at Nova Villa.
MISMONG SI Batangas Governor Vilma Santos ang nag-inspect sa ginagawang malaking bangka na siyang pagsasakyan ng imahen ng Mahal na Birhen ng Caysasay sa Sabado, September 8, bilang pagdiriwang ng Lalawigan ng Batangas at ng Archdiocese of Lipa ng birthday ng Mahal na BIrhen.
Sinisiguro kasi ni Ate Vi na maayos ang pagkakagawa ng bangka at masi-guro na rin sa mga itatalagang security na maging alerto para makaiwas sa aksidente.
Sariwa pa kasi hanggang ngayon ang nangyaring fluvial parade noon sa Obando, Bulacan dahil sa pagkakagulo ng mga tao at overloaded sa dami ng gusto sumakay sa bangka. Tumaob ang bangka at marami ang namatay.
Kaya ibinilin ni Gov. Vi na higpitan ang pagbabantay para maiwasan ang aksidente.
HINDI APEKTADO ang beauty queen na si Venus Raj sa naglabasang blind item na siya ang tinutukoy na nagbabalot ng mga natitirang pagkain. Aminado ang beauty queen turned TV host na nagbabalot nga siya ng mga natirang pagkain. Pero sa halip na mapahiya ay tinawanan na lang niya ang naturang isyu.
Katuwiran kasi ni Venus na talaga namang nakaugalian na niya na ipinababalot ang mga pagkain na hindi naubos kapag kumakain sila sa isang restaurant dahil nanghihinayang siya na itapon na lang ito sa basurahan. Ang pagbabalot naman niya ng pagkain sa isang okasyon ay ibinibigay niya sa security guard sa kanilang condominium building.
Wa epek sa beauty queen ang pagbabalot ng natirang pagkain dahil hindi naman daw siya apektado at tinatawanan na lang ang isyu.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo