HALATANG maraming fans ang nasabik sa aktor na si John Lloyd Cruz dahil trending sa Twitter Philippines ang naging guesting niya sa isang TV event para sa Shopee. Ginanap ang naturang event sa Smart Araneta Coliseum at napanood nang live sa GMA-7.
Ang dating Kapamilya TV host na si Willie Revillame ang dahilan sa unang television appearance ni John Lloyd sa GMA-7.
Maganda ang naging introduction at exposure ni John Lloyd sa show na halatang medyo naninibago pa dahil siguro matagal na siyang hindi lumalabas ulit sa telebisyon. Imagine, ikaw ba naman ang magbakasyon ng halos 4 na taon, tiyak na mangangapa ka ulit.
Kinantahan pa ni John Lloyd ang televiewers ng Yakap na bagay na bagay sa kanya ang nilalaman ng lyrics tulad halimbawa do’n sa part na: “Ako ay nagbalik. Sa init ng iyong yakap. Parang ibong sabik sa isang pugad.
“Nadanas kong lungkot. Nang kita’y aking iwan. Na di pa dinanas ng sinuman. Ako ay nagbalik. At muli kang nasilayan. Hindi na ‘ko muli pang lilisan”
Mainit naman ang naging pag-welcome ni Willie sa John Lloyd na ang balita namin ay gagawa ng sitcom sa GMA-7 na silang dalawa ang magiging producer.
“This is the first time for more than four years. Welcome back on TV! Ngayon ka lang nakita. Nakikita ka sa social media pero siyempre, iba ang telebisyon. Buong mundo, pinapanood ka,” wika pa ni Willie.
“Nagpapasalamat ako sa ‘yo na nandito ako. Excited to be back! Kuya Willie, nandito ako dahil sa ’yo, thank you!” lahad naman ni JLC.
Hindi rin napigilan ni John Lloyd ang maging emosyonal sa mga sumunod na eksena. Halatang pinipigilan ng aktor ang mapaluha habang pinapakinggan ang mga plano ni Willie tungkol sa kanyang comeback.
“Pinagdaanan ko din yan. Maraming tao ang tumulong sa akin pero ang importante, Lloydie, nakausap kita.
“Nagkausap tayong dalawa, napakaganda ng puso mo, napakaganda ng pagkatao mo. Mahal na mahal mo si Elias, mahal na mahal mo iyong anak mo. Nami-miss ka naming lahat. Ang galing mo! Fan mo ako, fan mo kaming lahat dahil napakabuti mong tao at napakagaling mong artista!
“Sa totoo lang, lahat ng GMA artists, gusto kang makasama sa isang pelikula. Lloydie, yung sumuporta sa ’yo na sambayanang Pilipino, I think sila ang dapat mong pasalamatan kaya ka nandito.
“Nadidinig ko, nararamdaman ko ang pagmamahal sa ’yo ng tao. Welcome back sa industriya kung saan ka nagsimula at alam ko dito tayo magtatapos din. Welcome back, John Lloyd Cruz!” deklara pa ng Wowowin host.
Dagdag pa niya, “Abangan n’yo ho, abangan n’yo, magsasama kami ni Lloydie sa pagbibigay ng saya sa inyo, sa primetime show. Abangan n’yo dito sa GMA-7!”