NAKAGUGULAT ANG response ng moviegoers sa pelikula ni John Lloyd Cruz na The Trial na kasalukuyang dinudumog pa rin hanggang ngayon sa mga sinehan, kahit na almost one week na itong ipinalalabas.
Hindi kami publicist ng movie at ni minsan nga ay hindi kami naimbitahang makadalo sa presscon at grand presscon ng nasabing movie.
Anyway, last Monday ay nasa Fishermall kami para manood ng sine. Dapat sa Fury kami manonood ng pamilya, pero R-16 ang movie kaya sa The Trial na lang kami nagkasyang manood, dahil na rin sa naririnig namin sa lobby ng sinehan na kung saan pinag-uuusapan ang galing at husay ng ipinakitang acting ni John Lloyd at iba pang kasama sa movie.
True nga pala na maganda ang istorya ng pelikula at nasaksihan ko ang ungol ng pag-iyak ng mga nanonood na karamihan ay mga matatanda at may teenager din na talagang umiiyak.
Sabi nga ng nakatabi namin sa upuan na isang pamilya rin na nanonood: “Ang galing ni John Lloyd. Akala mo talagang kulang sa pag-iisip kung umarte.”
Dinig na dinig din namin ang mga reaction ng nakapanood nang palabas na sa sinehan, kung saan puring-puri rin nila ang acting ni Sylvia Sanchez sa role na isang tomboy na ina ni John Lloyd at ang gumanap na tatay ng actor na si Vince na isang bakla sa tunay na buhay sa role na father ni Lloydie. Hindi rin nagpahuli sa pag-arte si Richard Gomez na gumaganap na abogado na siyang tumulong sa kinakaharap na rape case ni Lloydie. Medyo kulang pa raw or hilaw sa drama scene si Jessy Mendiola na siyang nag-akusang ni-rape siya ni Lloydie.
Sabi pa ng grupo ng matatanda na hanggang sa paglabas ng sinehan ay nagpapahid ng kanilang luha: Pang-Best Actor naman dito si John Lloyd.”
Samantalang bago nagsimula ang pelikulang The Trial, ipinakita muna ang trailer ng Moron 5 at Relaks It’s Just Pag-ibig.
Kung pagbabasehan ang mga reaction ng mga nakasaksi at nakapanood ng trailer ng dalawang bagong local movies, mas may pag-asang kumita pa kahit paano sa takilya ang huli na pinagbibidahan ng anak ni Piolo Pascual na si Iñigo at ng bunsong anak ni Senator Jinggoy Estrada na si Julian.
Dinig na dinig namin ang usapan ng pamilyang nasa likuran namin na nagsabi at nag-react sa Moron 5: “Ano bang pelikula ‘yan!? Puro kalokohan at katarantaduhan na hindi naman nakakatuwa. Nakakainis lang!”
“Buti pa ‘yung pang-teenager na movie, kahit paano ay may aral na kapupulutan ang mga kabataan.”
Huwag naman sanang mangyari na first day last day ang maging kapalaran ng pelilkulang Moron 5 na idinirek ni Wenn Deramas kapag ipinalabas na ito sa mga sinehan.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo