SOBRANG INIAA-NGAT ng kanyang kasimplehan bilang tao at artista si John Lloyd Cruz, kaya naman nagpapatuloy ang magandang kapalaran niya sa showbiz. Pinatunayan iyon ng pagpatok sa takilya ng pelikulang It Takes A Man And A Woman ng Star Cinema kasama si Sarah Geronimo na patuloy pa rin ngayong pinipilahan sa mga sinehan. Si Lloydie kasi ‘yung tipo ng artista na hindi nagpupuwesto ng kanyang sarili para tawaging Hari ng Kapamilya Network o Pantasya ng Bayan.
Nu’ng mawindang ang career ni Piolo Pascual pagkatapos na mabuwag ang loveteam nila ni Judy Ann Santos, sinasabing laos na raw ang Papa ng Bayan. Lalo na nu’ng ma-ging kontrobersiyal ang paghihiwalay nila ni KC Concepcion. Hindi na raw siya ang Hari ng Kapamilya. Hindi binabanggit kung si John Lloyd ang puwedeng sumunod kay Piolo. Kamukat-mukat mo ay si Coco Martin na laging patok sa mga teleserye ang sinasabing bagong ‘hari’ raw ng Kapamilya Network.
Hindi nananapak ng ibang paa at kapurihan ng ibang tao si John Lloyd. Ang katuwiran ni Lloydie: “Narito lang naman ako para magtrabaho. Kung anong project ang ipagkatiwala sa akin, ibibigay ko na lang ang sarili ko para sa project na ‘yon.” Lagi naman niyang napaninindigan ang kanyang mga sinasabi. Akala mo’y ilang taon siyang hindi gumawa ng pelikula, kaya parang sabik na sabik ang mga manonood na pumila sa pelikula nila ni Sarah.
PAULIT-ULIT LANG naman ang kuwento ng pagtatampuhan at pagbabati ng magkapatid na Ara Mina at Cristine Reyes. Nakauumay na rin ang kanilang mga bangayan. Pero sa kanilang dalawa, si Ara ‘yung laging nagmumukhang kawawa, na pagkatapos tarayan ng nakababatang kapatid, pagkalipas ng ilang buwan at nagpakumbaba na sa kanya ang nakaalitan, ay magpapatawad na rin siya, dahil siya nga ang ate at malambot talaga ang kanyang puso.
Hindi naman kasi talaga makatatagal si Cristine sa sitwasyon ng pang-aaway niya sa kanyang ate, dahil para siyang laging isinasangag sa mainit na kawali ng panghuhusga. Siya ang sinisisi ng mga tao sa showbiz sa kinahantungan ng dati nilang alitan ni Ara. Mas marami kasi ang nagsisimpatiya kay Ara, dahil nu’ng baguhan pa lang siya sa showbiz ay una na talaga sa kanyang ugali ang kabaitan, kumpara kay Cristine na walang matibay na pundasyon ng pakikisama sa maraming taga-showbiz.
Positibo ang dating ngayon ng naging pagbabati nina Ara at Cristine, dahil mas magkakatulungan sila muli sa maraming bagay bilang magka-pamilya. May napatunayan na si Ara sa showbiz kahit sabihing hindi na siya masyadong popular sa ngayon. Si Cristine ang dapat na makabangon, dahil magmula nang magkaroon sila ng alitan ng kanyang ate ay lumaylay na ang kanyang kasikatan, hindi na siya bumabata, pero nababawasan ng tibay ng kanyang career.
ChorBA!
by Melchor Bautista