SINO’NG MAY sabi na “chubbylito” si John Lloyd Cruz?
Kung dati-rati’y halata ang paglobo ng katawan niya na tila napabayaan sa kusina ni Angelica Panganiban, last weekend bumulaga ang isang bagong Lloydie sa publiko. Mas lean, mas siksik (at hindi katawang hangin) at mas delicious at yummy. Sa totoo lang, ang hirap magpapayat lalo pa’t nasanay ka na sa masasarap na mga pagkain na nakapaligid sa iyo.
Si Angelica, nag-e-effort na matutong magluto para kay Lloydie who loves to eat. Ang mother ng aktor, magaling ding magluto at champion lalo na ang luto nitong arroz caldo at goto.
Ngayon, p’wede nang ibalandra ni Llyodie ang katawan sa kanyang mga pelikula. P’wede na siyang magpaka-Luis Manzano ang peg na p’wedeng i-rampa ang shirtless na katawan na p’wedeng pagnasaan ng mga kababaihan, kaiingitan ng mga kalalakihan at lalo na, pag-iilusyunan ng mga beki.
After ng aksidente niya sa bisikleta during the Summer Station ID shoot sa may Mt. Pinatubo at nawala na ang mga peklat sa mukha, p’wede na sigurong matuloy ang pelikula niya with Direk Chito Roño for Star Cinema kung saan makakasama niya ang aktres na si Sylvia Sanchez who will play mom sa aktor.
SPEAKING OF accident, heto mas malala ang nangyari sa akin kumpara sa aksidente ni Lloydie.
Maaga akong nakatulog last Friday night. Pagod na pagod na walang pahinga at tensyon at takot na bumalot sa akin nang maaksidente ako sa Quiapo dahil sa pagkadulas. Kahapon ng umaga, nagising ako at nakaramdam ako na gusto kong dyuminggel at kailangan kong pumunta sa CR. Naalala ko na may pagbabago pala sa buhay ko ngayon mula nang mabasag ang left knee cap ko at hindi ako p’wedeng basta-basta gumalawa. Kailangan kong gumamit ng saklay na regalo ng kaibigan kahapon pagkagaling namin sa National Orthopedic Hospital.
Habang sinusulat ko ito, ‘di ko alam kung pupunta pa rin ako ng Quiapo para kay Señor Nazareno. May takot na ako. May phobia na. Sa mga susunod mga araw, linggo at buwan, ‘di ko alam kung anong mangyayari sa akin. Daming bago na dapat kong pag-aralan. Kailangan kong matutong lumakad na nakasaklay, paano maligo at magbawas na naka-benda ang leg ko na na-injure, sumakay ng taxi na naka-stretch ang left leg ko. Mawawala na ang pagtambay ko sa paborito kong McDonald para magkape at magbasa ng dyaryo. Hindi na ako pupuwedeng manood ng sine na paborito kong dibersyon at mag-alaga sa mga bago kong mga tanim na ako mismo ang ang nagdidilig at nagaalaga. ‘Di na ako makakasama kina Jobert Sucaldito at Richard Pinlac sa mga biglaang lakwatsa. Hindi na ako makadyo-join sa mga lakwatsa tulad sa mga joy ride papuntang Laguna kina Gov. ER at Mayor Maita.
Nang mangyari ang aksidente ko, kausap ko si Ibyang aka Sylvia Sanchez habang nakasalampak ako sa kalsada at hinihintay ang medics. Si Papa Art (mister ni Ibyang) unang dumating at sumaklolo sa akin sa accident site habang nakasalampak ako sa sa kalye at inaasikaso ng Red Cross.
Salamat sa mga taga-Quiapo; mga bagets at vendors na umalalay sa akin at nagbarikada para huwag akong madaanan ng mga tricycle at sasakyan habang nakahandusay. Sila na rin ang tumawag sa Red Cross para masundo ako.
Salamat kay Ismaelli Favatinni na sa disoras ng madaling-araw, sumaklolo siya kasama ang kaibigan niyang taga-Phil. Star. Ang kaibigang Richard at Jobert, naka-monitor sa sitwasyon ko at maging si Ibyang. Salamat sa kaibigang Engr. Johnny Maranan na sumundo sa akin sa UDMC para dalhin ako sa National Orthopedic Hospital at sa saklay na regalo niya. Salamat sa pag-asiste hanggang maihatid ako sa bahay ng kapatid ko sa Mandaluyong.
Salamat nang marami kay Papa Ahwel Paz of DZMM na malaki ang tulong para maibaba ang professional fees ng mga doctor at mga konek na kakailanganin. Sa mga nag-pray for me, salamat nang marami. Pakisama sa mga dasal ‘nyo na mawala ang takot ko sa operasyon at maging succesful at walang kumplikasyon. Paki-pray na rin mga friends na hindi ako makaramdam ng depresyon sa sitwasyon ko ngayon. Higit sa lahat, pakibulong sa Itaas na mabuo ko ang cost of operation bago mag-Friday. Salamat.
Reyted K
By RK VillaCorta