HANGGANG NGAYON, tikom pa rin ang bibig ni John Lloyd Cruz sa tunay na dahilan ng paghihiwalay nila ni Shaina Magdayao. Ayaw nitong mag-comment o magbigay ng kahit na anong detalye sa break-up nila ng dalaga. Mas gugustuhin na lang niyang manahimik at mag-concentrate sa trabaho. Hindi nga naman maganda na sa kanya pa manggaling ang hindi nila pagkakaunawaan ni Shaina. Kung pakakatitigan natin si Lloydie, walang bakas ito ng kalungkutan. “Life has to go on, kailangan nating tanggapin,” matipid na sabi ni JLC.
Mabigat naman ang dibdib ni Shaina sa split-up nila ni John Lloyd. Parang hindi niya matanggap na sa hiwalayan din mauuwi ang lahat. Maraming bagyo at pagsubok ang dinaanan nila ng aktor, pero matatag nilang hinarap ang hamon ng buhay. Nanatili silang matatag sa kanilang relasyon. Ipinaglaban nila ang isa’t isa sa ngalan ng pag-ibig. Kaya’t hindi natin masisisi si Shaina kung magbigay ito ng pahayag tungkol sa kanila ng aktor.
Ever since naman, never nagsalita si Lloydie nang hindi maganda sa mga nakarelasyon niya. Hindi rin siya nagbibigay ng confirmation or official statement tulad ni Derek Ramsay. Kahit nga may naglalabasang interview si Shaina tungkol sa hiwalayan nila ng aktor, nananatiling tahimik lang ito. Sinasabing may third party involved sa love relationship ng dalawa. Hindi nga lang malinaw kung sinong actress ang inili-link at naging dahilan ng break-up nina John Lloyd at Shaina.
Hindi man maganda ang kinauwian ng relasyon nina Lloydie at Shaina, bonggacious naman ang takbo ng career ng binata. Ini-renew ang bago niyang kontrata sa Unilab. Six years na siyang endorser ng gamot at very effective ang dating niya sa masang Pinoy. Nagsimula na rin siyang mag-shooting sa Star Cinema with Bea Alonzo sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina.
PARANG WALA lang nang dumating si Sam Milby ng ‘Pinas kahit nawala ito ng ilang buwan. Nagbaka-sakali ang aktor sa Hollywood na maging isang international star. Maraming audition sa US ang dinaanan niya to give it a try. Mayroon kasing network (ABC-5) na interesado sa kanya kaya kinuha siya ng agency. Magandang experience para sa binata ang nangyari sa kanya roon. Hindi nga lang malinaw kung may chance siya to appear sa mga TV shows sa US like CW, ABC, CBS at HBO. Waiting lang siguro ang actor sa kalalabasan ng kanyang performance sa audition. Malay natin, makalusot si Sam Milby at ma-penetrate ang Hollywood. Ngayon, balik-teleserye si Sam with Judy Ann Santos.
Sa totoo lang, marami ang nagtaas ng kilay nang mabalitang susubukan ni Sam na makapasok sa Hollywood. Sana’y pinatunayan muna niya sa kanyang sarili na marunong siyang umarte. Hindi lang ganda ng katawan, mukha at pagsasalita ng English ang puhunan para makapasok sa Hollywood. Hindi rin sa dami ng pelikulang ginawa mo para masabing aktor ang isang artista. Hindi rin pinag-uusapan kung sikat ka sa sarili mong bayan. Mahabang proseso ang kinakailangan para mapag-ukulan ng pansin sa ibang bansa ang isang artistang local. Kung ‘yung nga magagaling nating artista de kalibre nahihirapan, what more sa isang hunk actor na marami pang dapat matutunan bago maging tunay na actor. Walang masamang mangarap pero pinagtatrabahuhan ang bawat pangarap na gusto nating marating. ‘Yun lang po.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield