AYAW NANG PATULAN ni John Lloyd Cruz ang isyung naglabasan recently tungkol diumano sa paglalasing nito o may nakakita raw na lasing kasama ang ilang friends sa isang bar, or words to that effect.
Naka-text namin si John Lloyd mismo, since we got a missed call from him, para lang daw sana i-congratulate kami sa pagkaka-elect ng inyong lingkod bilang new Vice-President ng Philippine Movie Press Club (PMPC), Inc.
Nasa Davao kasi kami nu’ng tumawag siya the other day (Saturday) at ‘di namin siya nabalikan dahil on-going na ang event na aming pinuntahan sa nasabing probinsiya. Kaya naka-text na lang namin siya a few minutes later.
Text message ni Lloydie: “Hi, kuya Mell! I just wanted to congratulate you for being the new Vice-President of PMPC. If there’s any way for me to help the Club, I hope you can let me know. Kaisa n’yo ko sa hangarin at mga plano n’yo… All the best to you, Kuya Mell!”
John Lloyd has always been so sweet to his press friends, lalo na sa mga alam niyang nandiyan na sa tabi niya mula pa noong nagsisimula siya sa kanyang career, tulad namin.
Ka-text na rin lang namin ang sikat at award-winning actor, sinamantala na namin ang paghingi kay Lloydie ng personal niyang reaction mismo – at hindi pahatid o parating na mensaheng dadaaan pa sa kanyang handlers – tungkol sa isyung ipinupukol sa kanya ngayon, ang paglalasing.
“Truth is I don’t really want to dignify the efforts of my detractors. I’ll let them do what they do best.
“As for me, I have enough in my hands to keep me busy and productive without sacrificing or having to interfere with other people’s lives,” text message ni John Lloyd sa amin.
Kung ia-analyze ang mensahe ni John Lloyd, ayaw na nitong bigyan ng panahon ang pagpatol sa ka-cheap-ang isyu na ito, kahit alam naming tao lang siya para mairita sa walang katotohanang balita.
May “pangil” at “anghang” pa rin ang medyo pagka-sarcastic niyang statement na “I’ll let them do what they do best” patungkol sa mga patuloy na naniira sa kanya in print. Wala nga siyang panahon na patulan pa ang isyu, kundi lang namin “nalambing” na mag-react na rin, kahit papaano, dahil he owes it to his many fans waiting for his statement.
And so, there you have it guys, straight from John Lloyd!
Dire-diretso lang sa pagsu-shooting ang aktor ng Miss You Like Crazy, ang balik-tamabalan nila ni Bea Alonzo, at say nga niya, mas type niyang maging productive sa kanyang buhay. Ang post-Valentine’s Day offering na ito ng Star Cinema ay may premiere night sa February 24.
SPEAKING OF JOHN Lloyd, win na naman ito as Best Actor sa 8th Gawad Tanglaw para sa performance niya sa In My Life ni Direk Olivia Lamasan, at ka-tie nito si Allen Dizon para sa Dukot ni Direk Joel Lamangan.
Ang dalawang nabanggit ding mga pelikula ang pinarangalan nila as Best Films for 2009, ka-triple tie ang Lola ni Direk Brillante Mendoza starring Anita Linda and Rustica Carpio. Best Directors din ang tatlong directors na nabanggit.
Best Actress si Ms. Vilma Santos (In My Life), Best Supporting Actress si Ma. Isabel Lopez para sa dalawang pelikula, ang Kinatay (with Coco Martin), at Tulak (with Rafael Rosell). Best Supporting Actor winners naman sina Roderick Paulate (Ded Na Si Lolo) at Luis Manzano (In My Life).
Ang Gawad TANGLAW ay binubuo ng members of the academe mula sa iba’t ibang unibersidad na taun-taong naggagawad na kanilang winners both for film and TV excellence. Ang Gawad Tagapuring mga Akademik ng Aninong Gumagalaw will hold its awards night on March 3 sa Jose Rizal University.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro