TINAWAGAN KAMI NI John Prats para ipaliwanag ang kanilang panig tungkol sa kumalat na balita na nu’ng kasagsagan ng bagyong Ondoy ay nauna pang umalis sa kanilang subdivision ang kanyang ama na presidente ng homeowner’s association.
Kumalat sa text ang kuwento, laman din ng mga e-mails ang pagpapabaya ni Tito Dondie sa kanyang mga ka-subdivision, kumbaga raw sa palubog na barko ay mas nauna pang tumalon ang kapitan kesa sa kanyang mga pasahero at tripulante.
Nasaktan ang pamilya Prats sa mga istoryang kumalat, tumulong na nga raw sila ay napasama pa, okey lang daw sana kung totoo ang kuwento pero kabaligtaran daw nu’n ang ginawa ng kanilang pamilya.
“Nu’ng nararamdaman na ng daddy ko na pataas na nang pataas ang tubig, kumuha na siya ng truck na panglikas sa mga ka-subdivision namin, hindi totoong umalis agad ang daddy ko, lalong hindi kami puwedeng umalis, dahil napakataas na ng tubig.
“’Yung truck, ginamit ‘yun para sa pagta-transport ng mga tao, pabalik-balik ang truck sa Village East, maraming natulungan si daddy nu’ng bagyo,” simulang paliwanag ng young actor.
Ang kanyang kapatid ang pangulo ng SK sa buong Cainta, ito naman ang sinuportahan ni John at nina Shaina Magdayao at Gelo Serrano, tumulong din sila sa mga ka-village nilang nakulong sa baha at namigay rin sila ng mga relief goods sa mga nasalanta ng bagyo at baha.
“Ayoko na po sanang sabihin ito dahil galing naman sa puso ang pagtulong namin, wala pong media nu’ng tumulong kami at hindi rin naman kami nagtawag, kaya siguro sinasabi ng iba na wala kaming ginawa sa mga ka-village namin.
“Pagkatapos po ng ulan, inilabas naman ni daddy ang mga construction equipments niya sa opisina namin na nasa labas lang ng village, inasikaso niya naman ang paglilinis ng mga kalye. Kung nakita n’yo po ang mga basura sa subdivision pagkatapos ng baha, kayo mismo, mahihirapan na sa pag-iisip pa lang kung alin ang uunahin n’yong galawin sa sobrang dami ng basura!
“Mula umaga hanggang gabi nilang nilinis ang mga basura sa kalye na ang gamit nila, ang mga construction equipments ni daddy sa negosyo niya. Kaya nu’ng mabasa namin ang kuwento na wala raw siyang nagawa, malungkot po si daddy, depressed siya, dahil alam niya naman kasing hindi totoo ang mga lumabas na kuwento,” dagdag pa ni John Prats.
NU’NG NAKARAANG SABADO nang gabi ay nagpunta kami sa Village East sa Cainta para dalawin ang aming kaibigang pintor na si Vic Bachoco na pinasok ng mataas na tubig-baha ang loob ng bahay.
Dinatnan namin ang pamilya na naglilinis pa, una nilang nilinis ang makapal na putik na iniwan ng baha sa kanilang kabahayan, napakabaho raw ng burak at talagang nagkalat pa ang kanilang mga kagamitang nagkasira-sira na dahil sa pagkababad nang ilang araw sa tubig.
Mabuti na lang at may mezzanine ang kanilang bahay, du’n nagpipinta si Vic, ‘yun ang pansamantalang naging tirahan ng pamilya sa loob nang tatlong araw habang nagsisiksikan sila sa maliit na lugar.
Lumubo ang kanilang sahig na kahoy, lumutang pati ang malalaki nilang kama, may isang maliit na bintana sa mezzanine na ayon kay Vic ay babaklasin nila kapag inabot pa rin sila ng baha para sa bubong na sila maghintay ng sasaklolo sa kanila.
“Nu’ng silipin ko ang first floor ng bahay namin, parang delubyo, hanggang bewang ang tubig sa loob at lampas-tao naman sa kalye. Grabe, parang bangungot ang nangyari dito sa amin sa Village East, lumulutang pati ang mga kotse sa labas,” napapailing na kuwento ng kaibigan naming pintor.
Du’n nakatira ang pamilya Prats kaya parang nakikinita na namin ang kaganapang ikinukuwento ni John, meron pa silang tinulungang kapitbahay nilang nanganak nu’ng kasagsagan ng bagyo at baha, isang nurse lang na nagdadaan sa kataasan ng tubig ang pinakiusapan nilang magpaanak sa kanilang kapitbahay.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin