NATUTUWA RAW si Jojo Veloso na nagkakaroon ng magandang bunga ang pagbabalik niya bilang talent discoverer at manager. Ang dalawa sa mga bago niyang discoveries na sina Anya Aragon at Georgina Fortalejo ay kaagad na pinapirma ng kontrata sa Viva Entertainment.
“Five years ‘yong contract. Six movies ang nakalagay ro’n na gagawin nila,” masayang pagbabalita ng minsan ay naging very conmtriversial na talent manager.
“Tapos ‘yong unang project nila ay ‘yong PantaXa, isa reality show ng Viva. Nagsabi naman si Boss Vic (del Rosario) sa akin na once na mag-start na ‘yong show,naka-line up na rin ‘yong iba pang mga projects. With Boss Vic around, hindi ako nagda-doubt. Dahil alam ko na pagkatapos ng PantaXa, talagang simula na ng pag-arangkada ng career ng dalawang alaga kong ito.”
Ika-3 season na ng PantaXa (pronounced as Pantasya), isang reality comptetition na medyo daring at sexy ang tema na ang participants o contestants ay isang linggong mananatili sa isang isla at maglalaban-laban sa mga ibibigay na challenges. Si Yam Concepcion ang unang winner dito.
Kampante si Jojo sa mga talents niyang sina Anya at Georgina na both can make it to stardom.
“Si Anya, she has everything of what it takes to be a star. Maganda ang mukha, maganda ang katawan at tindig, at saka marunong siyang umarte. Nakita ko ‘yong potential niya sa acting no’ng pinag-workshop ko siya. The same thing with Gerogina. Sabi nga no’ng nag-facilitate ng workshop na si Vangie Labalan, parehong may pinaghuhugutan daw sina Anya at Georgina. Kasi hindi sila galing sa mayamang pamilya. Nangarap silang mag-artista para matulungan ang kanilang pamilya na magkaroon ng magandang buhay. Ito ang nagsisilbing drive nila na magpursige.”
Sa mga pictorial nina Anya at Georgina, may class ang dating ng kanilang personalidad. Hindi mo sasabihing galing sa mahirap na pamilya.
“‘Yon ang x factor nila. Magaling silang mag-project na kung kailangang magmukhang mayaman, lalabas ‘yon sa kanila.”
First year HRM student si Anya sa isang university sa Bicol, samantalang si Georgina naman ay nag-aaral ng accountancy sa Far Eastern University. Parehong nag-stop muna ng schooling ang dalawa para mag-focus sa acting career na pinapasok nila ngayon.
Hindi ba nagsisimulang magkaroon ng professional rivalry o jealousy sa dalawang alaga niyang ito ngayon since sabay nga niyang ibini-build up ang mga ito?
“Hindi naman. They both support each other dahil kumbaga nga, magkaka-team kami.”
Sinasabing madali lang mag-discover ng ihuhulmang talent, pero mahirap magpasikat. Lalo na sa ngayon na mas matindi pa ang competition among showbiz hopefuls.
“Actually totoo ‘yan. Mas mahirap na talaga at ramdam ko ‘yon. Pero very positive at confident naman ako na makapagpapasikat ulit ako. Depende kasi ‘yon, e. Kasi kailangang may right contact ka ng mga taong makapagbubukas ng opportunities sa talent mo. At saka you also have to work as a team. At saka hindi lang good looks ang sukatan. Kailangang magaling ka ngayon. Kasi sa dami nga ng mga nag-a-aspire na maging artista, kailangan lamang ka rin sa kanila. At iyon din ang reason kung bakit pinawo-workshop ko ngayon ‘yong mga alaga ko.”
Saang aspeto ng pagbabalik-talent management niya siya nahihirapan?
“‘Yong sistema ngayon, naiba na. Hindi katulad noong araw, iba na ang kalakaran ngayon. Dati kapag nalamang talent ko, kukunin na. Ngayon dadaan ka talaga sa proseso na mag-a-audition, gano’n na ngayon, e.”
Dati, tinalikuran ni Jojo ang pagma-manage ng artista at pumasok sa pulitika. Naka-dalawang term siya bilang board member ng Biliran province.
“Dumating sa point na hinahanap-hanap ko ang showbiz. Kaya nag-decide ako na balikan ang pagma-manage. May offer pa rin sa akin na tumakbo ulit sa 2016 election. Pero ayoko na muna. Magpu-focus muna ako sa pagma-manage ko ulit ng artista. Dito kasi ako masaya na tipong iba ang sense of fulfillment kapag may napapasikat ka.”
Marami nang naging talent at napasikat si Jojo noon. Kabilang na nga rito sina Ina Raymundo, Ana Capri, at Allen Dizon na hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa acting field.
“Confident ako na makapagpapasikat pa ulit ako. At sisimulan ko kina Anya at Georgina.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan