EXCITED SI Jolina Magdangal para sa bagong Sunday variety show ng GMA-7 na SAS (Sunday All Stars) na magiging kapalit ng Party Pilipinas. Isa siya sa sinuwerteng makasama sa nabanggit na programa na magsisimulang umere sa June 16.
Balitang hindi lahat ng naging bahagi ng Party Pilipinas ay makakasali rin sa bagong Sunday variety/game show ng GMA-7. Isang bagay na ikinalulungkot daw ni Jolina.
“Lalo na at merong… hindi ko na sasabihin kung sino pero meron na close ako. Tapos hindi na siya makakasama sa SAS. Nakakalungkot kasi siyempre, bago naman nag-Party Pilipinas, ‘di ba ‘yong Fully Charged, nagkaroon no’n? Tapos sumunod SOP. Kasama ko na siya, eh. Tapos, wala na. So nakakalungkot lang.”
No’ng nalaman niyang mawawala na ang Party Pilipinas, kinabahan ba siya na baka isa siya sa mawawalan ng trabaho?
“Para sa akin kasi… siguro… dahil mula pa dati, from ‘Sang Linggo nApo Sila to ASAP, to Fully Charged, to SOP, to Party Pilipinas… nasanay ‘yong katawan ko na every Sunday, ang family day ko, trabaho, eh.
“So, no’ng sinabi na matatanggal na ang Party Pilipinas… actually noon ko pa naririnig. Na medyo nagmumuntik-muntikanan na raw. Pero hindi ako naniniwala. Tapos hanggang sa naririnig ko pa rin. Nasanay na ako.
“Pero no’ng may sinasabi nang date na May 19 mawawala na nga raw ito, parang sumikip ‘yong dibdib ko. Kasi, ‘yon na nga… nasanay ka na na nagtatrabaho kapag Sunday, eh. So, nalungkot ako. Hindi ko pa ito alam. Na may papalit, ha! And ang dami kong naging ka-close. Sina Ate Regs (Regine Velasquez), sina Ate Jaya. Si Rachelle Anne (Go).”
May isyung kaya raw nawala ang Party Pilipinas ay dahil kina Regine Velasquez at Ogie Alcasid. Ano sa pagkakaalam niya?
“Ay, tingin ko… parang hindi naman yata. Kasi parang hindi ko naririnig na gano’n ang rason nila kung bakit nila tatanggalin ang show, eh. Kasi nando’n pa rin naman sila (Ogie and Regine), ‘di ba? Siguro, kailangan lang talaga ng bagong show. Kasi ‘yong ipinalit, bago, eh. Hindi basta variety show.”
Okey ba sa kanya na magkahalong variety at game show nga ang kapalit ng Party Pilipinas?
“Nakakakaba. Lalo na no’ng inilatag ang mga mangyayari. Talagang sumasakit ang batok ko. Parang nakakakaba siya!” sabay tawa ni Jolina. “Pero mukhang exciting! Kasi… for a Sunday show, gano’n.”
Ano ang bagong makikita o aabangan sa kanya ng viewers sa SAS?
“Tingin ko makikita nila ako na may regular na ano rito… hosting. Kasi, ‘di ba? No’ng magkaroon ng Party Pilipinas, lahat ng performer pinakanta at pinapasayaw. Lahat ng hosts, iba. Pero this time, parang naka-distribute naman na.
“Ano na lang siya, eh… parang nine segments. Na hindi naman kagaya ng mga dating napapanood sa variety shows. Pero rito, makakapag-launch ka ng mga albums at mga shows. May mga birthday celebration na talagang mabibigyan mo ng time. Halu-halo. Kaya nga parang exciting talaga. Ako ang wini-wish ko for the show… sana talaga, ma-sustain siya.”
Nakailang palit na ng Sunday show ang GMA-7. Pero bigo pa rin na mapatumba ang ASAP ng ABS-CBN.
“Para sa akin, ayokong mag-compare, eh. Dahil kahit pareho siyang variety show, iba-iba ‘yong artists. And, kanya-kanya ng strength,” sabi pa ni Jolina.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan