Iba ang sigla at saya ni Jolina Magdangal nang makita namin recently sa advanced Christmas party for the press ng PPL Entertainment Inc. At hindi naman niya itinatangging ang dahilan kung bakit sobrang happy siya ngayon ay ang boyfriend niyang si Mark na drummer ng isang sikat na banda.
Masasabi ba niyang talagang mas masaya ang Christmas kapag may lovelife?
“Opo. Masaya kapag kasama mo ang pamilya. Pero mas masaya nga kapag kasama mo rin ang iyong special someone.
“Unang-una, hindi na nga ‘yong Christmas spirit, eh. The fact na nga lang na buo ‘yong family mo, tapos may lovelife ka pa, iyon ang masarap.”
Sa mga nakaraang Pasko ba, ano ang itinuturing niyang most memorable so far?
“Siguro ‘yong, kasi December 24 last year no’ng mag-break kami ni Bebong (Muñoz). So iyon ang masasabi kong memorable. Kasi nakatatak pa. Pero siyempre, eventually mapapalitan iyon.”
Siguradong mabubura nga ang hindi magandang alaalang iyon ng nakaraang Pasko. Lalo na’t this time na may bago nga siyang pag-ibig sa katauhan ni Mark.
Ilang buwan na rin ang itinatagal ng relasyon nila. And it seems smooth-sailing naman ito at wala ni katiting na nagiging problema. Ano ang sa palagay niya ay nagpapatatag sa relationship nila?
“Siguro ‘yong communication. At saka ‘yong openness. May gano’n talaga. Importante pala talaga ‘yon na hindi n’yo tatapusin ang araw ng may nararamdaman kayong bigat. Kahit na abutin na kayo ng madaling-araw, pag-uusapan ‘yo pa rin. And importante talaga ‘yong communication.”
And what does she like most about him?
“Lagi ko naman itong sinasabi, eh… at saka number one sa values ko ‘yong ano… respeto una na sa akin, at saka sa pamilya ko. Iyon ang sana huwag mawala hanggang sa kahuli-hulihan.”
Nai-imagine ba niyang not too long ay magpapakasal na sila?
“Hmmm… ang aga naman!” Tila kinilig na sabi ni Jolina sabay ang aktong pa-girl na paghawi ng kanyang buhok sa may tenga niya. “Parang maaga pa. Pero sa nangyayari sa amin na kasiyahan ngayon, parang maaga pa masyado. Pero… sana.
“Yes. I’m open for marriage. Matagal na.”
What about pagkakaroon ng baby?
“Ganyan? Hindi pa ikinakasal, baby na? Ha-ha-ha! Uhm… hindi ko alam.
“Sa totoo lang, ‘yong mga kaibigan ko na nanganak na, tinatanong ko kung paano ‘yong process. Masakit daw! Kaya natatakot ako.”
Open ba siya sa possibility ng pagbubuntis out of wedlock?
“Ah… alam mo sa panahon ngayon, mahirap magsalita nang patapos,” natatawang sabi ng dalaga. “Kasi baka sabihin, eh… ‘pag may mangyari or anuman. Pero ang gusto ko sana, kasal muna. Kasi masarap ikasal na alam mong meron ka pang nilu-look forward after ng kasal.
“Eh, kung halimbawa naman na mangyari, eh, ano pa ba ang magagawa, ‘di ba?”
Hindi siya makaiisip magpa-abort kung sakaling mangyari ang hindi inaasahang pagbubuntis?
“Ay, Diyos ko naman! Ano ba ‘yon? What a word! Grabe naman. Hindi ko maiisip ‘yong gano’n. Pero ano nga… ‘yong sa akin, bago iyon, kasal pa rin muna sana.”
Simula nang mag-break hanggang sa naka-recover si Jolina sa paghihiwalay nila ng ex niyang si Bebong, hindi talaga siya nagsalita kung ano nga ba ang naging sanhi ng split-up nila. Ang tanging nasasabi lang ni Jolina, labis siyang nasaktan sa break-up nila. Na parang may nagawa itong nakasakit nang husto sa kanya.
“Sa akin, mahirap magtanim ng sama ng loob. No’ng makapag-move on ako, kasama na lahat iyon. Wala na akong… ayoko na. Ayoko na ng may nega.
“Kapag may nega… hindi ako makapagmamahal ng isa pang tao kapag alam kong hindi pa ako naka-move on or may galit pa ako. Kaya iyon agad ang binitawan ko para makapag-ready akong magmahal ng iba.
“Communication? Wala. Kasi tapos na. Nag-usap na kami noon nang tapos. After no’n, wala na ulit communication. Kasi may closure na. Ayoko rin naman ng walang closure. Nagmahal pa ako ng iba kung walang closure sa nakaraan? Chaka! Ang ibig kong sabihin, eh, ‘di hindi ako naka-move on, ‘di ba?” Patapos na nasabi na lang ni Jolens.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan