NANINIWALA ang aktres, host at singer na si Jolina Magdangal na kaya ni Vice President Leni Robredo na bigyan ng magandang buhay at maraming oportunidad ang mga Pilipino kapag siya’y nahalal bilang pangulo.
Sa isang video kung saan nagpahayag siya ng suporta sa kandidatura ni VP Leni bilang pangulo, ibinahagi ni Jolina na kinailangan niyang magtrabaho sa murang edad para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
“Yung sa’kin? What a journey. All my life ko hong pinangarap at pinaghirapan ‘yun. Eight years old pa lang ako, nagtatrabaho na po ako. Lahat tayo gusto ng ginhawa. Hindi kailangang marangya ha!” wika ng aktres.
“Relate kayo? At dahil alam ko ang pakiramdam ng kumayod kahit sa napakamurang edad, mahalaga sa akin ang magdesisyon nang tama, kasama na ang pagkilatis ng mga kumakandidato tuwing eleksyon,” dagdag pa niya.
Ikinalungkot din ni Jolina ang kawalan ng trabaho at iba pang ikabubuhay para sa mga Pilipino sa nakalipas na mga taon.
“Kung kami ngang mga artista eh nahirapan pa nitong nakaraang mga taon, ano pa kaya iyong mga kapwa nating Pilipino na mas maliliit at kapos sa oportunidad?” punto pa niya.
Ngunit umaasa si Jolina na magiging maayos ang lahat kapag pinili ng mga Pilipino ang masipag na lider gaya ni VP Leni sa halalan sa Mayo.
“Pwede nating baguhin ang lahat ng ito kung pipiliin natin ang tamang tao. At dahil alam ko ang kahalagahan ng maayos at ligtas na trabaho, doon ako sa marunong magtrabaho, at nakita natin na nagtatrabaho!” wika ni Jolina.
“Yung naranasan na makisalamuha sa masa, yung kagaya nating nagbabanat ng buto, at kayang magtrabaho ng 18 hours per day,” dagdag pa niya.
Sa pangunguna ni Leni, nakatitiyak ang mga Pilipino na magsislbi siya at babantayan ang kanilang kapakanan, ayon kay Jolina.
“Dahil ang kailangan natin ngayon ay Pangulo na nakikita tayo, kasama na rito ang mga pangarap at paghihirap nating mga Pilipino,” wika pa niya.
Sinabi pa ni Jolina na si VP Leni ay mayroong kongkretong plano at programa para sa mga manggagawa na kailangang magtrabaho araw-araw para matugunan ang kanilang mga pangangailan.
“Ang presidente ko, may resibo, plataporma at konkretong solusyon para sa ating mga kumakayod sa araw-araw,” wika niya.
“Wala nang iba pang karapat-dapat na katuwang natin para magkaroon ng buhay na maganda! Si Leni Robredo ‘yan!” pagtatapos ni Jolina.