FINALLY, INAMIN NA rin nina Jolina Magdangal at ng drummer ng Rivermaya na si Mark Escueta ang relasyon nila at suportado raw nila ang isa’t-isa.
Tinanong ng Startalk crew namin si Mark kung kailan pa sila naging mag-on, “Since birth! Hahaha!” Natatawa nitong sagot.
Malaki ang pasasalamat ni Mark kay Jolens dahil suportado siya nito sa pinagdadaanan niya ngayon na problema sa dati niyang manager na si Liza Nakpil.
Magmula nang binitiwan ng Rivermaya si Liza bilang manager, nag-file daw ito ng ownership ng trademark na “Rivermaya” sa Intellectual Property Rights kaya pagkatapos nito, nagpadala siya ng sulat sa mga producers at iba pang posibleng magbibigay ng raket sa kanila na sa kanya raw naka-patent ang pangalan ng bandang ‘yun.
Ayun, umalma na ang Rivermaya at nagsalita na itong si Mark na nagpadala sila ng opposition sa IPR dahil sa kanila raw ang pangalang ‘yun at hindi pag-aari ng sino man.
Medyo magulo ngayon ang pinagdadaanan nila dahil bukod diyan sa agawan nila ng pangalang Rivermaya, dalawang kaso rin ang isinampa ng grupo laban kay Liza dahil nga sa malaking abala raw sa kanila itong ginagawa ng dating manager.
Ang pagkakaalam ko diyan, dating manager din nila si Chito Roño pero hindi na nakialam ang naturang direktor dahil kung hindi na sila masaya sa pamamalakad ni Liza, maghiwalay na lang, ‘di ba?
Pero umabot na sa korte itong gulong ito at gusto lang linawin ng Rivermaya na buo pa rin sila, tuloy ang trabaho nila at tumatanggap sila ng mga raket deretso na lang sa kanila.
Kaya nagpapasalamat sa Mark kay Jolina dahil talagang tinutulungan daw sila ngayon at pati ang pamilya ni Jolens ay suportado rin sila.
Sabi pa nga ni Mark, hindi raw niya kakayanin ito kung wala si Jolens sa buhay niya.
Sinikap din ng Startalk na kunan ng sagot si Liza pero tumanggi ito dahil naka-TRO raw siya ngayon kaya sa korte na lang daw ito pag-usapan.
Blooming na blooming ngayon si Jolens dahil nandiyan nga si Mark sa buhay niya pero hindi pa naman daw pinag-uusapan ang kasalan. Sobrang maaga pa raw.
CONGRATULATIONS SA LAHAT na nagwagi sa kauna-unahanang PMPC Star Awards for Music na ginanap sa SM Skydome nung nakaraang Huwebes.
Wagi ang mga kapuso nating sina Ogie Alcasid bilang Male Recording Artist of the Year at si Regine Velasquez naman sa Female Recording Artist.
Siyempre, ang pinagkaguluhan doon sa awards night ay sina Regine at si Sarah Geronimo na nagwagi namang Female Pop Artist of the Year at si Jed Madela naman sa Male Pop Artist of the Year.
Hay naku! Ang hirap na talaga ngayong mag-mount ng mga awards-awards night dahil sa hirap ng buhay ngayon, pahirapan na sa pagkuha ng sponsors.
Bilib din naman ako sa PMPC dahil nakabubuo pa sila ng ganitong awarding na inaabangan naman ng mga fans. Congratulations sa inyo, mga bakla!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis