GALANTE NGA RIN talaga si Jolo Revilla, ha?
Ayon kay Melissa Ricks, siya na raw ang nagbawal sa nakasama niya sa Agimat na si Jolo na tigilan na ang pagbibigay sa kanya ng kung anu-anong mga regalo.
Nang usisain namin si Melissa sa presscon ng Tanging Yaman, hindi naman daw ‘yun dapat na tingnan na pambabasted kay Jolo. Dahil una, hindi naman daw ito lumiligaw sa kanya. Nahihiya lang daw siya dahil nga sobra-sobra na raw ang pagreregalo nito sa kanya.
Ibinaling namin ang tanong kung sa pagreregalo ba naman sa kanya ni Jake Cuenca, eh, binawalan na rin niya ang binata dahil nang makausap namin ito noong kanyang birthday presscon, natanong si Jake sa mga inireregalo niya sa dalaga.
Hindi naman daw niya binawalan si Jake.
Samantala, pinatunayan naman ni Matt Evans, na kasama rin sa Tanging Yaman, na hindi nga lang siya ka-loveteam ni Melissa kundi isang tunay na kaibigan din.
Eh, minutes lang bago dumating si Melissa sa nasabing presscon, sa bibig nanggaling ni Matt ang pagkumpirma na lumayas nga si Melissa sa bahay nila at sa ABS-CBN ito nagpunta. Pero nang itanong uli kay Melissa, eh, itinanggi na nito sa pagsasabing sa bahay ni KitKat siya pumunta. Nagkumprontahan ang dalawa. At siyempre, nagbigay ang binata at nilinaw na lang uli ang sinabi niya.
Kaya, malabo pa rin ang isyu sa paglalayas diumano ni Melissa nang hindi sila magkaunawaan ng kanyang ina. Kaya nga raw siguro sa Hawaii nag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon ang mga ito, para i-thresh out ang anumang sigalot sa pagitan nila.
Naku, gusto na lang naming tanggaping ang pagde-deny o pagsisinungaling ng mga kabataang artistang ito, lalo’t may kinalaman sa mga love life nila eh, para nga ‘atang kasama na sa ikot ng buhay nila sa entertainment world!
NAKARINIG KAMI NG mga hindi magagandang kuwento tungkol sa isang TV host na may in-endorse na isang malaking produkto. In short, name brand ang dala-dala niya at ng kanyang pangalan.
Kasi raw, noong Pasko, pumunta ito sa isang store kung saan nga mabibili ang kanyang ini-endorsong produkto. Dahil ipamimigay nga nito sa kanyang staff bilang regalo ang nasabing produkto.
Nahilo diumano ang mga staff ng nasabing tindahan dahil inabot na sila ng siyam-siyam sa paghihintay sa nasabing TV host, dahil lahat daw ng produktong ipamimigay niya eh, sinukat muna nito. At ‘pag hindi niya type eh, pinapapalitan uli.
Ang sa ganang akin, kahit na sabihing p’wedeng dinala na lang ang nasabing mga produkto sa nasabing TV host, kung gusto niyang personal na piliin ang mga ipamimigay niya bilang regalo eh, karapatan niya naman ‘yun.
Hindi ba mas magandang tumanggap ng gift na talagang intended para sa ‘yo at hindi ‘yung pinulot na lang para masabi lang na may naibigay sa ‘yo?
And to think, mamahalin ang nasabing produkto. Kaya naman sinisiguro lang ng nasabing host na babagay rin ang mga ito sa bawat staff niyang pag-aalayan niya.
Kayo talaga… I’m sure, gusto n’yo ring mabigyan ng produktong ‘yun! Mahal ‘yun, ah!
The Pillar
by Pilar Mateo