SA PRESS preview ng Panday 2 na ginanap sa SM Megamall Cinema 3, may mga members of the media na nagbibiro kay Jolo Revilla tungkol kay Kris Bernal. Balita kasing pinopormahan niya ngayon ang young actress na kasama sa cast ng MMFF entry ng kanyang amang si Senator Bong Revilla, Jr.
“Friendship lang,” nangingiting sabi ni Jolo nang makakuwentuhan namin. “Acquaintance lang ‘yong sa amin. Wala. Friendship lang talaga. Nagulat naman ako na biglang napag-usapan iyon no’ng presscon nina Papa (Bong),” sabay tawa ng young actor.
Ano ba ang masasabi niya about Kris?
“Para sa akin… maganda naman siya. Simple lang siya. At mukhang mabait naman siya. Kumbaga… siguro bago n’yo isiping nililigawan, mas magandang kaibiganin muna. ‘Di ba?”
So iyon ang ginagawa niya ngayon… kinakaibigan muna niya si Kris?
“Hindi. Kumbaga… tingnan natin. Masyado pa rin namang maaga para riyan, e.”
Matagal na ba niyang ina-admire si Kris?
“Ina-admire? Siguro… nagagandahan. Pero ngayon, nagulat ako… liligawan agad? Friendship siguro muna.”
Parang sobrang happy siya these days?
“Hindi naman! Uhm… Binondo Girl!” natawa ulit na banggit niya sa primetime series ng ABS-CBN kung saan leading man siya ni Kim Chiu. “Bumalik na ako sa Binondo Girl.”
Ano ba ‘yong napapa-balitang he will be taking a leave of absence not only from his commitments sa showbiz kundi maging sa panunungkulan niya as Barangay Chairman sa Cavite ?
“I will be taking a leave siguro sa showbiz. Pero… showbiz lang. Tutok tayo sa political career. Tutok tayo sa pagse-serbisyo sa bayan.”
Bakit kailangan pang i-give up niya ang showbiz?
“Siguro kailangan ko munang mag-focus sa mga constituents, eh. Kumbaga, siyempre kailangang sila ‘yong pagtuunan ko ng pansin. At sila ‘yong mas pinili ko.”
Walang kinalaman ‘yong napapabalitang sakit niya na severe migraine?
“Walang kinalaman ‘yong sakit ko. Siguro kailangan ko rin ng panahon para magpahinga.”
Pero ano nga ba talaga ang kundisyon niya ngayon? Naba-bother din kasi ang iba lalo na ang mga tagahanga niya.
“Ako… sa akin, okey ako, sa nararamdaman ko ngayon. Pero siyempre, kailangan ko rin namang asikasuhin ‘yong sarili ko.”
Bakit kailangang sa Amerika pa siya sunod na magpa-check-up at kumuha ng second opinion sa doktor na titingin sa kanya roon?
“Siyempre iyon ‘yong… kumbaga sa ulo, eh. Severe migraine. Kaya mas maganda na ipa-check para sigurado talaga. Na walang diperensiya. Walang hemorrhage. ‘Yong sa akin… cronic severe migraine.”
Paano ba kapag sinusumpong siya ng pananakit ng ulo?
“Mas madalas na hindi ko na kaya dahil sa sobrang sakit talaga. Iba-iba ang pagsumpong, eh. Minsan kapag mainit. O kaya kapag sobrang puyat. ‘Yong stress. Stress-related siya, eh. Kapag sumumpong na ‘yong sobrang sakit na hindi ko na kaya, ospital agad ang diretso ko. Kasi masakit talaga. Parang gusto mong iumpog na ‘yong ulo mo sa semento. Tapos nasusuka ako. Gano’n daw talaga ‘yon, eh. Ang migraine daw parang vertigo. Pero mas malala.”
Naba-bother ba siya sa sakit niya?
“Siyempre, nakaka-bother din. Nakaka-bother din. Kasi hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Hereditary ‘yong sakit ko, eh. Kasi ‘yong Lola ko… ‘yong mama ni Papa may ganito rin. Si Papa, may ganito rin. Pero ‘yong sa akin ang malala talaga. May medication naman para maiwasan ‘yong pagsumpong. Pero minsan hindi pa rin maiiwasan, nagti-trigger pa rin. Matatag naman ako. Kasi sa pagkakaalam ko, hindi naman ito gano’n ka-seryosong sakit. ‘Yon ang pagkakaalam ko. Sana hindi. Ang alam ko hindi. Mararamdaman mo naman iyon, eh.”
Baka naman kailangan lang niya ng ins-pirasyon o lovelife?
“Kailangan ko nga yata ng inspirasyon. Ng mag-aalaga,” birong pagsang-ayon ni Jolo. “Mahirap maging member ng SMC (Samahan Ng Mga Malalamig Ang Christmas).”
‘Yun na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan