NU’NG TUMAWAG sa akin si Jobert Sucaldito para ibalita ang tungkol sa nangyari kay Jolo Revilla nu’ng kamakalawa lang, hindi talaga ako naniwala.
Madalas kasing ganu’n eh. Kung anu-anong kumakalat na kuwento, na minsan pinapatay pa nila, hindi naman pala totoo.
Nakumpirma ko na mismo sa mga tao ni Sen. Bong Revilla na totoo nga ang kumalat na balita.
Nasa Asian hospital na raw ito at nasa ICU pa, dahil sa tama ng bala ng baril niya.
Kung anu-anong naglalabasang kuwento, pero siyempre ang panghahawakan natin ang statement mula sa kampo nina Sen. Bong Revilla at Lani Mercado.
Narito ang kabuuan ng statement na ipinadala ng abogado ni Sen. Bong na si Atty. Raymond Fortun nu’ng kamakalawa ng gabi:
“At 9am today at Ayala Alabang, Vice Governor Jolo Revilla suffered a single gunshot wound on his right chest after he accidentally fired a .40 Glock handgun while cleaning the same.
“VG Revilla is currently under observation and medication at Asian Hospital in Muntinlupa. He will remain in the hospital for at least the next 48-72 hours. The Revilla family asks for prayers for his speedy recovery.”
Nakausap ko pa si Jolo nu’ng nakaraang Biyernes at mukhang okay na naman siya.
Madalas lang niyang tinatanong sa akin kung okay si Papa niya, dahil sobrang nag-alala ito sa isyu nang pagdalaw daw niya kay Sen. Enrile sa hospital ng Camp Crame.
Sobrang idol kasi niyan ang Papa niya, kaya siya talaga ang sobrang apektado nang na-detain si Bong sa Camp Crame.
Laging nadi-depress ‘yan pero kasama naman niya si Jodi Sta. Maria na laging umaalalay sa kanya.
Madalas silang nagtsa-church sa Alabang o ‘di kaya kasama sila sa prayer service sa Camp Crame.
Nakade-depress nga itong sunud-sunod na nangyayari sa pamilya nina Bong. Pero buo pa rin sila at solid ang suportahan nila sa isa’t isa.
Definitely, may kuwento kami niyan sa Startalk sa Sabado at susubukan naming kapanayamin si Lani tungkol diyan. Sana nga tuluy-tuloy na ang paggaling ni Jolo.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis