TULOY NA ang kasal ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla sa girlfriend niyang beauty queen na si Angelica Alita. Gaganapin ang kasalan sa Dec. 15, 2019 sa Pelican Hill sa California USA.
Isang Christian wedding ang magaganap at ayon kay Bacoor Mayor Lani Mercado na ina ni Jolo, first time na meron siyang anak na ikakasal sa ibang bansa. Desisyon din daw nina Jolo at Angelica na sa Amerika sila magpakasal. Matatandaang sa Amerika rin unang nagpakasal noon sina Sen. Bong Revilla at Lani.
“Sila ang nag-decide. Parang idol talaga ni Jolo si papa niya, kasi di ba, ang unang kasal namin was in the States, pero that was very solemn, very simple. Ito, he opted to do in the States.
“ Jolo is I think 31, he’s of age and I do believe na ano na ito, tamang panahon ito para sa kanya,” kuwento ni Lani sa amin.
Ayon pa kay Lani, a month before Jolo’s birthday ay sinabihan na sila nito ng plano niyang pagpapakasal.
“Alam na namin na ikakasal na siya. Nagpaalam siya, I think nagpahiwatig siya na ikakasal na siya nung nag-propose siya at na-announce niya during his birthday.
“A month before his birthday, sinabihan niya na kami. Sabi ko, ‘Sigurado ka na ba?’ Siyempre, alam naman natin yung kanyang love life, open book naman yon. Basta masaya siya. Basta sinabi namin sigurado ka na ba?
“Alam mo naman ang pagpapakasal, hindi naman yan na pag napaso ka iluluwa na parang mainit na kanin. It will be forever and I hope… he went naman through the right process of getting married,” lahad ni Lani.
Samantala, base padin sa kuwento ni Lani, walang mga taga-showbiz o kaya’t big bosses ng GMA-7 at ABS-CBN 2 na principal sponsors si Jolo sa kasal.
“We fixed the guest lists yesterday, ang alam kong pupunta ay sina Mayor Inday Sara (Duterte), Cong. Martin Romualdez, ninong si Sen. Jinggoy (Estrada), ninong din niya si Sen. Manny Pacquio pero may proxy siya na pupunta.
“Walang artisa, eh, majority pulitiko. Alam mo naman si Jolo, eh, he’s very active sa public service life niya. Wala po siyang ninang from channel 7 and channel 2 or from the (showbiz) industry,” pahayag pa ni Lani.