SULIT NA SULIT ang lahat ng paghihirap ni Jolo Revilla dahil umabot nang mahigit 31+% ang rating ng pilot episode ng kanyang Pepeng Agimat noong Sabado sa Kapamilya network.
Lalo siyang na-excite nang tawagan siya nina Deo Edrinal at Julie Anne Benitez, mga execs ng ABS para lamang i-congratulate.
“Sa totoo lang po, Ate Chit, sobra-sobra ang nerbiyos ko sa resulta ng pilot episode namin. Pinanay-panay ko rin po ang pasasalamat sa Panginoon dahil nakataya po ang karangalan ng pamilya Revilla sa pagkakataong ito. Ang hirap po palang maging anak ni Sen. Bong at apo ng original “Pepeng Agimat.” Much is expected of me. I really have to thank all those who helped me. Sina Tita Andeng, Tito Marlon, lolo ko, not to mention my dad na nag-guest pa at nagsalin sa akin ng kapangyarihan ng agimat at responsibilidad ng pagkakaroon nito,” aniya nang dumating mula sa Cebu para i-represent ang kanyang Dad sa isang convention.
Mauunawaan siguro ng mga tagahanga ni Gerald Anderson kung bakit mas mataas ang rating ng episode ni Jolo kaysa Tiagong Akyat. Pero, mataas na rin ang 28+% rating ng pilot ni Gerald, lalo’t first time niyang nag-all out action.
Iba nga siguro ang taginting ng pangalan ni Jolo. Taglay niya ang tatak ng isang mahusay na action star.
Nakatulong din ang magandang paglalahad ng istorya, pati pagdi-direk ni Dondon Santos. Makatotohanan ang location na dinayo pa nila sa isang isla sa Subic, Zambales.
“Ang ganda-ganda po ng lugar na pinuntahan namin at naaayon sa modernong technique, ‘ika nga, ang katotohanang nangyayari pa rin hanggang ngayon ang mga kababalaghan. Kung tatanungin po ako akung naniniwala ako sa mga aswang, positibo ko pong sasabihin na totoo po. How can we explain po ang mga biktimang namamatay at pinatay nila. Naniniwala rin po ako na may kapangyarihang pumupuksa sa mga ito. Ito ang tinatawag na agimat,” katuwiran niya.
Actually, bitin na bitin ang pilot episode, dahil, naunang ipinalabas ang pagwawakas ng Tiagong Akyat ni Gerald. “Nagkaroon din po ako ng pagkakataong mapanood si Gerald at kitang-kita po ang effort niya na maging kapani-paniwala ang action scenes niya. Totoo po ang sinasabi niya sa mga interviews na mahirap ang ginagawa namin.
“I have to thank kung sino man po ang may idea na isunod agad ang Pepeng Agimat right after the ending of Tiagong Akyat. Ang galing. You get to compare and predict na posibleng magbalik na uli ang action sa showbiz. Kahit po sa TV lang muna. At sana po, magsimula na sa amin,” patuloy niyang punung-puno ng pag-asa.
BONGGANG-BONGGA RIN ANG rating ng Sharon noong Linggo, kahit hindi sikat ang mga guest nilang gay/bading performers mula sa Library. Nag-no.1 naman sila sa ratings noong Linggo. Tuloy, tatandaan na ang mga pangalan nina Giggle, Petite, Onse, at Donita. Ganu’n din ang mentors nilang sina Jeffrey Santos at Baron Geisler.
Napatunayan din ng Sharon na hindi lang malalaking artista ang gauge ng isang show para tumaas ang ratings. “It takes a good show!” Wika ng mga nasa likod ng show ni Megastar. Ito ang secret weapon kung bakit nanatiling nasa top 5 lagi ang show.
Pinag-iisipan na ngayon ng Sharon kung itutuluy-tuloy nila ang pa-mhin episode nilang iyon. Nagbilin din ang megastar na ipaalam sa kanya kung kailan uli magge-guest ang mga baklang ginawang tunay na lalaki nina Jeffrey at Baron. “Para naman maihanda ko ang aking sarili. Baka ako himatayin sa katatawa. Seryoso ako,” aniya.
Bungisngis nga kasi si Mega. Kitang-kita naman ang ebidensiya. Lagi siyang inaalalayan nina Bayani Agbayani, Randy Santiago o Roderick Paulate. Hindi lang host ang nagiging role nila, kundi taga-alalay ni Mega.
BULL Chit!
by Chit Ramos