Jomari Yllana, dinaan lang si Pops sa burol ni Tito Dougs!

ANG LUNGKOT, GRABE. Naulila ni Tito Douglas Quijano ang buong showbiz mula pa nu’ng Sabado. Ang tagal naming hindi nagkikita niyan. Buti na lang, last week, nakapag-usap pa kami sa telepono.

“Tito Dougs, musta ka na? Nami-miss ka na ng mga fans mo! Kelan ba tayo magkikita?” ‘Yan ang mga natatandaan naming sinabi namin kay Douglas Quijano nu’ng mag-usap kami sa telepono two Fridays ago.

“Ah, talaga? Sige, kita tayo. Alam mo naman ako, nandito lang sa Lucban, Quezon tuwing weekend,” ngunit sa tinig ni Tito Dougs, halata na namin ang lungkot niya.

Pero ewan kung bakit hindi namin naisip na ilang araw na lang at magpapaalam na siya. Basta ramdam lang namin ang lungkot sa tinig niya.

Kung kilala namin si Tito Dougs, ayaw na niyang isipin ang kanyang sakit na diabetes. Hindi niya rin ito masyadong pinag-uusapan sa mga friends, dahil ayaw niyang nagwo-worry ang mga ito sa kalagayan niya.

Alam kasi ni Tito Dougs na maraming nagmamahal sa kanya, kaya alam din niyang “pagagalitan” na naman siya kapag “matigas ang ulo” niya.

Gayunpaman, alam naming na-enjoy ni Tito Dougs ang kanyang buhay, lalo pa’t ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng bahay sa Lucban, Quezon ay kanyang nagawa.

Marami sa kanyang mga “scholars” ang graduate na rin. Mga talents na nagkaroon ng pangalan dahil sa kanya, at mga kaibigang napasaya niya, natulungan niya at naging bahagi ng buhay niya ang hinding-hindi siya makalilimutan.

Alam naming mahihirapan na ang showbiz na makalikha ng isang Douglas Quijano, kaya ‘yan pa ang isang malungkot isipin.

SA AMIN, ANO’NG nagawa ni Tito Dougs? Kung si Ate Cristy Fermin, nabigyan kami ng break sa pagsusulat, ang aming TV career naman ang ibinigay sa amin ni Tito Dougs.

Kurek! Ang character na “Pekto” sa Palibhasa Lalake, sa kanya galing. Isinadyest niya kay Joey Reyes para isama sa script.

At doon na nagsimula ang pagge-guest namin sa Abangan ang Susunod na Kabanata, hanggang sa magkaroon na kami ng Showbiz Lingo at Cristy Per Minute.

Si Tito Douglas din ang nagpatikim sa amin ng unang sampa namin sa eroplano nu’ng magtungo kami sa Zamboanga.  Siya rin ang nagsama sa amin sa unang Hong Kong trip namin.

Hindi namin makalilimutan si Tito Dougs, kasi, everytime na nabibingi kami sa eroplano, siya ang naalala namin. Kasi, katabi namin siya nu’n sa trip namin sa Zamboanga.

Gusto na naming umiyak habang lumilipad na kami, kasi, ang sakit sakit na ng tenga namin. “Hahaha! Ganyan talaga.  First time ka pa. Ang gawin mo, ganito. Pindutin mo ‘yung ilong mo at lakasan mo ang hinga mo sa ilong habang nakabuka ang bibig mo para lumabas ang hangin sa tenga mo.”

Kaya pag ‘yun ang nangyayari sa mga biyahe namin, naalala namin siya at ginagawa namin ang itinuturo niya sa tuwing kami’y parang nabibingi na naman.

Ilan lang ‘yon sa napakaraming naituro, naibahagi at naibigay sa amin ni Tito Dougs. Higit sa lahat, ang friendship ng isang Douglas Quijano, mararamdaman mong genuine.

LINGGO KAMI NANG gabi nagtungo. Ang naabutan namin doon sa Heritage Park eh, sina John Estrada, Joey Marquez, Jomari Yllana, Nadia Montenegro, Tirso Cruz III, Al Tantay, Lotlot de Leon, Smokey Manaloto, William Martinez and family, and friends.

Ay, oo nga pala, nandu’n din si Pops Fernandez. Me kumakalabit na friend sa amin, tinatanong kung me gap ba sina Jom at Pops. Tanong namin, “Baket?”

“Eh, kasi, nu’ng dumating si Pops, dinaanan lang siya ni Jom, eh!”

Ay, hindi namin alam ‘yon, hindi naman namin napansin, eh. Pero na-sight namin ang dalawa, kaso, hindi sila magkausap.

Nakakalokah, sa burol pa ni Tito Dougs, hindi nawawalan ng intriga, hahaha!

Pero sa totoo lang, ha? Pansamantalang “namahinga” ang sex video issue, Ruffa-Annabelle-John Lloyd issue at ang iba pang isyu nu’ng mamatay si Tito Dougs.

Feeling tuloy namin, tumulong si Tito Dougs para kahit pansamantala, eh, “magpahinga” muna ang mga isyung wala na yatang katapusan sa pamamagitan ng kanyang pagyao, ‘no?

‘Wag n’yong kalilimutang makinig palagi sa “Wow! Ang showbiiiz!’ sa dwiz 882 sa inyong AM station at maririnig din sa www.dwiz882.com, 11-12nn.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleJake Cuenca, ‘di raw mabantot ang kanyang hininga!
Next article“Gov. Vi, ‘di itutuloy ang ambisyong maging VP!” – Sec. Puno

No posts to display