NASA PANGALAWANG term na ni Jomari Yllana bilang konsehal ng Paranaque. Kapag nanalo siya sa May 2022 elections ay pang-last term na niya. In fairness, swerte si Jomari dahil napagsasabay niya ang career as a public servant at ang lovelife.
“Ang career at love life, kapag nagtugma at binigay sa’yo, napakasuwerte mo na,” sabi ni Jom na masaya sa pagbabalikan nila ng teenage sweetheart na si Abby Viduya.
Patuloy niya, “Ako, ehh, napaka-suwerte ko dahil meron akong makulay na love life, meron pa akong makulay na profession. Dagdag mo na kahit may pandemic pa pero okay naman kami. Kaya salamat sa Diyos.”
Sobrang thankful din siya na kung kelan pandemya ay saka dumating sa kanya si Abby.
“Sa gitna ng pandemic, the more you appreciate each other no matter what. I have my own imperfection, si Abby gano’n din. But everything seems perfect kapag magkasama kami.
“Kasi, ano ’to, eh, panahon ng pandemic, masyadong mabigat sa ating lahat. So, I look at the imperfection of my partner and I came to a solution na ’yung imperfection ko and imperfection niya became perfect kapag magkasama kami,” lahad pa ng aktor.
Ibinahagi ni Konsehal Jomari na hindi pala sumagi sa isip niya noon na maging public servant. Pagiging aktor lang daw talaga ang gusto niyang propesyon noon.
Aniya, “Never, never in my wildest dream. Yung gigising ako isang umaga at kailangan kong mag-contribute ng solusyon sa lahat ng problema ng ating bansa, ating lungsod?
“Although, lahat naman yan, natutunan, napag-aaralan. Kailangan lang talaga, ibigay yung kaya mo. You have to give everything. It’s like giving back. It’s like learning everything from life and then giving back sa Pilipinas, sa bansa mo, sa lungsod mo.”
If ever daw na matapos niya ang huling termino bilang konsehal ay wala sa isip niya ang tumakbo sa sa mas mataas na posisyon.
“Ako, ang iniisip ko riyan, the higher the position, the bigger the responsibility. Hindi ako eh, hindi ako nangangarap ng mas mataas na posisyon, hindi ko siya iniisip.
“Although, kailangan ko siyang pag-aralan. Kailangan ko siyang pagdaaanan. Kasi, if you look at the government, lahat naman tayo rito, sundalo, di ba? Para tayong mga sundalo rito na nagbibigay ng serbisyo.
“Yung posisyon ng nakakataas sa’yo, kailangan mo ring pag-aralan and you have to follow protocol. Pero hindi ako ’yung tipo na nangangarap ng mas mataas na posisyon. Kasi, mas maraming problema do’n, mas masakit sa ulo.
“Pero in reality, if you look at it, sa totoo lang, tao naman ang magsasabi kung gusto ka nila, kung kailangan ka nila. Pag dating sa ganyang bagay, kung ano ang gusto ng tao sa akin, sunod-sunuran lang ako,” katwiran ni Jomari.