NAGING SPECIAL GUEST ni Mr. Pure Energy sa kanyang “Soul In Motion” series sa Music Museum si Jericho Rosales.
At nanood sa nasabing palabas ang special someone ni Echo na si Cesca Litton.
After the show, saglit kong nakatsika sa backstage si Cesca. At nahalata kong hindi maganda ang kanyang pakiramdam.
Pinagpayuhan na pala si Cesca ng doktor niya na ibayong pahinga ang kanyang kailangan dahil meron siyang isang uri ng vertigo. Kaya nga madalas na sumakit ang kanyang batok na nagmumula sa kanyang spine ang sakit. At dahil may allergy rin pala sa pain killers ang magandang reporter ng SNN, kailangang tiisin nito ang mga kailangan niyang daanan para sa therapy niya.
Ilang beses na palang nahihilo at nawawalan ng malay sa kanyang trabaho si Cesca. Kaya kung may taping siya eh, saglit lang siyang nagpapahinga.
Worried siyempre si Echo sa kalagayan ng babaeng malapit sa puso niya ngayon. Kaya kitang-kita ko kung gaano naman niya itong alagaan.
Today ang birthday ng aktor na si Jericho, at hindi pa raw alam ni Cesca kung ano ang ireregalo niya rito. Samantala, mas gusto ni Echo na sa kawanggawa gugulin ang espesyal na araw sa buhay niya. At ayaw niya itong ipa-cover.
Napapanood na ngayon ang commercial ni Cesca kung saan kasama niya ang Queen of All Media na si Kris Aquino!
BUSINESS AS USUAL pa rin daw ang ikot ng Metro Card Club, Channel V at Fearless Productions na hawak ni Cong. Ronald Singson, ayon sa partner nito sa nasabing mga business na si Jomari Yllana.
Bagama’t wala na sa rehas na bakal si Ronald, hindi pa rin matiyak ni Jom kung makauuwi na ba ito sa Pasko para makapiling ang mga mahal sa buhay o ang mga ito na lang ang dadalaw kay Ronald sa Hong Kong.
Sa October 1 kasi, matutuloy na ang na-postpone na concert ni John Mayer (na pinag-uusapan ang pagsasara o pag-e-end ng kanyang Twitter account) sa MOA Concert Grounds. Na-cancel ito bago pa man dalhin dito ng Fearless si Usher dahil nagkasakit si Mayer.
Si Ronald pa ang umasikaso ng negosasyon sa management ni Mayer sa Amerika. Pero kahit na nga nasa Hong Kong si Ronald, lahat ng galaw ng kanyang opisina ay naire-relay sa kanya.
Samantala, hindi pa raw nakakausap ni Jom sa telepono si Ronald. Pawang palitan lang ng mga mensahe sa text ang ginagawa nila. Dahil wala rin daw siyang masasabi kung sakali ngang marinig na niya ang boses ng kaibigan. Panay rin daw ang kulitan nila. Na para lang nasa probinsiya si Ronald. At ang maseselang bagay na puwedeng mapag-usapan eh, pareho naman nilang hindi mabuksan sa isa’t isa. Kaya, kapag personal na nga lang daw silang nagkita, saka na siguro nila mapag-uusapan ang puno’t dulo ng mga nangyari.
Bukod sa pag-aasikaso sa papalapit ng Mayer concert, nakasalang din sa shooting ng pelikula niya kay Marilou Diaz-Abaya si Jom – na ang istorya ay tungkol sa Peñafrancia – ang imahe at ang lugar, kung saan pala nagmula ang angkan ni Jom sa Bicol.
Excited si Jom sa nasabing proyekto, dahil malapit ito sa puso niya. Kaya naman, libre ang paglabas niya sa pelikula dahil ibibigay niya sa simbahan ng Peñafrancia ang kanyang suweldo.
Nakasalang na rin siya sa taping ng “Imortal” with Angel Locsin and John Lloyd Cruz.
Aba, may nagagalit na fan ni Jom. Bakit daw ginawa na itong tatay ni John Lloyd eh, puwede pa raw silang mapagkamalang magkapatid?
Kasi po, bampira ang papel nina Jom at John Lloyd sa bagong serye ng Dos. Eh, sa mga nabasa naman natin, nakasaad na umaabot sa daang-taon ang edad ng mga vampires, ‘di ba?
Kaya, kailangang tutukan ang nasabing serye, dahil susulput-sulpot si Jom sa mga eksena!
The Pillar
by Pilar Mateo