NAGULAT DIN KAMI sa chikang nagpabinyag daw ng anak niya si Jon Avila. Ang alam namin, may non-showbiz girlfriend si Jon, pero hindi namin alam na may anak na siya. Nakaabot na pala ang chikang ito kay Vice Ganda, pero wala naman siyang guts na itanong kung may katotohanan nga ang chika kay Jon mismo.
Niliwanag ni Vice na hindi na rin siguro niya business na alamin pa ang personal na bagay na ‘yun dahil magkaibigan lang naman sila ni Jon. Katulad din ito ng “pagmamahal” na iniukol niya kay Kean Cipriano ng Callalily. Nagsimula ang mga panunuksong ito nang sina Jon at Kean ay magkahiwalay na naging hurado sa Showtime.
Naging ka-text na palagi ni Vice si Jon since then, at aminado naman siyang crush niya ito. Si Kean naman, na-evict na’t lahat bilang hurado ay patuloy pa ring nagte-text kay Vice at sa ibang taga-Showtime. Nagyayaya pang gumimik.
Ang dalawang lalaking ito’y mapapanood din sa first ever concert ni Vice Ganda sa Araneta Coliseum, ang “May Nag-text… ‘Yung Totoo… Vice Ganda sa Araneta”. Tiyak na nakakikilig daw ang participation ng mga ito sa concert, at kahit na bigyan pa ng ibang kulay, ang mananaig palagi ay ang pakikipagkaibigan ni Vice sa mga ito.
Pero, kung bibigyan daw ng leading man si Vice para sa pelikula, gusto raw niya ay si Enchong Dee. Natawa nga siya nang pamiliin siya at ang nasabi niya ay ang pangalan agad ni Enchong. Pero, kung sa nababaitan daw siya at sa tindi ng dating, gusto raw sana niyang makatrabaho ay si Diether Ocampo.
ANO BA ITONG si Willie Revillame? Napikon sa mga patutsada at naisusulat diumano ng kaibigan naming si Jobert Sucaldito laban sa kanyang show. Isa raw sa grabeng kritiko niya si Jobert, pero ang hindi na niya matagalan ay ang paninira raw ni Jobert sa Wowowee na may kinalaman sa pagge-guest ng mga pumasang-awa, o yaong mga may grade na line of 7.
Sa totoo lang, ang ipinupunto lang naman ni Jobert ay parang nagse-send yata ng maling values ang Wowowee, na kahit pasang-awa ang isang tao, cool lang ito. Okey lang. Pagkakakitaan pa ng pera. Napanood din namin ang episode na ito, pero isa lang ito sa mga episodes ng Wowowee na ikinaiirita naming ikinatutuwa pa ang mga bagay na mali at dapat ay kinokorek, hindi sa ganoong paraan, at on national television pa.
Ito ang dapat pinag-iingatan ng mga show na gaya ng Wowowee dahil napakarami pa namang kabataang nanonood nito. ‘Tapos, mapipikon si Willie, at maghahamon na kung hindi tatanggalin ng ABS-CBN si Jobert sa network bilang co-host ng The Buzz o announcer sa radio program nito sa DZMM, siya raw ang aalis sa Wowowee.
Ano ‘yun? Napaka-childish. At ano ang tingin niya sa sarili, amo siya ng mga taga-ABS-CBN na mauutusan niya at mape-pressure para matanggal sa trabaho ang sinumang hindi niya magustuhan? Lumalabis naman yata ang kayabangan niya.
We’re writing this as another media person.
Maliit lang si Jobert kung ikukumpara sa kanya, at ayon ‘yun sa tingin niya, kaya nagsasalita siya ng ganoon? Naku, ha!
Calm Ever
Archie de Calma