NGAYONG BIYERNES na, February 28, ang concert ni Jonalyn Viray. Gagawin ito sa Music Museum at 8 pm. Special guests niya sina Regine Velasquez. Kuh Ledesma, at ang nanalong first runner-up dati sa Pinoy Pop Superstar Season 1 na si Brenan Espartinez.
“Parang celebration na rin siya ng aking nine years na sa showbiz,” aniya. “And… hands on ako talaga rito.
“Kasi for me, everytime na magkakaoon ako ng concert, mas maganda kung meron ka ring input, ‘di ba? Para alam mo ‘yong flow. Alam mo ‘yong takbo ng concert mo. And mas nasa puso mo ‘yong gagawin mo.
“I’m also happy na my self-titled album under Creative Media Entertainment is doing good. Meron siyang five original tracks. Na ‘yong isang song don, ‘yong Help Me Get Over, napasama sa soundtrack ng My Husband’s Lover. ‘Yong isang song pa na Sa Piling Mo, naging theme song naman ng Lola. And then ‘yong Makita Kang Muli, naging theme song naman ng Koreanovelang Padam Padam.
“Talagang naging malaking tulong na ‘yong mga songs kong ito ay naging part ng mga TV series. Gaya nga no’ng sa My Husband’s Lover na ang laking exposure na naibigay. Na gabi-gabi siyang naririnig. Tapos parang naging sunud-sunod na pati sa radio lagi nang pinatutugtog. Sobrang blessing. Na kahit sa mga mall, maririnig mo rin, kaya sobrang natutuwa talaga ako.”
Excited din si Jonalyn na showing na sa Miyerkulas, Febrary 26, ang kauna-unahang pelikulang ginawa niya. Isa itong indie film na may titulong Catleya kung saan kasama niya sina Glaiza de Castro at Gerald Madrid.
“Tungkol sa drug mule ang kuwento nito. Very informative ang pelikulang ito. At may aral na mapupulot talaga. Kasi, lahat naman tayo may pangarap na umasenso at matulungan ang pamilya. So, gagawa tayo ng paraan para kahit papa’no ay umangat sa buhay. Pero may instance na hindi natin mai-expect kung ano ng puwedeng mangyari sa atin sa labas ng bansa, ‘di ba?”
Although unang pelikula pa lang ito ni Jonalyn, hindi naman masasabing first time na pagsabak niya sa acting. Ilang beses na rin siyang nabigyan ng special roles dati sa ilang TV series ng GMA 7.
“Maganda ‘yong ko role ko rito sa Catleya kahit hindi gano’n kabigat. Friend ako ni Glaiza na tagasuporta lagi sa kanya. Parang ako ‘yong nag-encourage sa kanya para makapagtrabaho abroad. Tumulong ako sa kanya na magkaroon ng work sa ibang bansa. Madali lang sa part ko na mai-portray ‘yong role. Kasi singer naman ako in real life na siyang character ko rin dito na unang nagkaroon ng chance na makalabas ng bansa at makapagtarabaho abroad. Tapos no’ng umasenso na ako, tutulungan ko naman si Glaiza na kaibigan ko. And nag-shoot kami sa Hong Kong para maging makatotohanan ‘yong setting.
“Wala naman akong gaanong preparation sa pag-portray ng role. Ang ginawa ko lang… siyempre aaralin mo ‘yong script unang-una, ‘di ba? Tapos no’ng first shooting day namin, sobrang nanginginig ako. Kasi nga parang matagal ko ulit bago ko na-experience na umarte. And this time sa big screen pa. So, no’ng unang araw ng shooting namin, nanginginig ako habang kaeksena ko si Glaiza. Hindi ko lang pinahahalatang masyado,” sabay tawa niya.
“Pero habang inuulit-ulit naman ‘yong take, mas nagiging relaxed at komportable na naman ako. Siguro nabigla lang ako.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan