HINDI NA bago kay Joross Gamboa ang mag-portray ng isang gay role. Pero sa pelikulang I Love You, Thank You na isa sa walong napiling pelikulang maglalaban-laban sa Filipino New Cinema section ng World Premieres Film Festival ay nabigyan daw niya ito ng iba at fresh na atake.
Sabi nga ng direktor ng pelikula na si Charliebebs Gohetia, magaling daw si Joross. Ito na raw marahil ang best performance daw nga niya.
Paano ba niya nagawang bago at naiiba ang pagpu-portray niya ng gay role na maraming beses na niyang nagampanan in the past?
“Iyon nga po, e. Before kasi sabi ko… ayoko na munang mag-gay role,” ani Joross. “Kasi kapag na-type cast ka, parang magiging iisa lang ang atake mo sa lahat. Parang hindi na siya kakaiba para sa ‘yo. So, ito kasi dahil maganda ‘yong material, maganda ‘yong istorya, pumayag ako. And dito kasi mas tina-tackle naman ‘yong relationships at saka ‘yong mga leveling ng pag-ibig ng isang gay. Actually this is not a gay movie. This is a love story. Basically hindi siya love story ng isang bading. Love story siya para sa lahat.”
Kasama niya sa pelikulang ito ang Thai actor na si Ae Pattawan na gumaganap bilang gay rin na na-in love sa kanya pero hindi naman niya mahal. Tampok din dito sina CJ Reyes at Prince Estefan.
Paano naman niya na-achieve ‘yong naiiba at fresh na atake sa kanyang character bilang gay? Ano ang preparations na ginawa niya?
“Actually ako kasi… kapag umaarte ako, wala naman akong pinaghuhugutan sa personal kong buhay. Dahil na-settle ko na lahat, wala naman akong mga problema. Ako… ibinabase ko ang pag-arte ko sa script. Isinasa-totoo ko ‘yong script. So, sa akin, kapag maganda ‘yong script… mas maganda ‘yong pag-portray ko. Kasi iniisip ko talaga na ako ‘yon.”
May sexy scenes ba siya sa I Love You, Thank You?
“Kung meron man, minimal. Hindi kasi namin ito gustong i-sell na… ay, panonoorin namin ito kasi naglaplapan si ganito, may pumping scene si ganyan. Gusto naming panoorin ito ng tao dahil maganda siya at marami ang nakare-relate. At kumbaga, gaganahan kang isama ang mga kaibigan mong babae. Kasi ano, e… hindi siya malaswang palabas. Wala akong kissing scene. Pero sina Prince (Estefan), meron. At parang napapaniwala ako… hahaha! Basta ang gagaling nilang mag-bading.”
How is it working naman with Ae Pattawan na isang Thai actor nga?
“Magaling din siya. Pero iba kasi kapag ano, e… sa simula siyempre nagkaroon ng… medyo mahirap. Kasi hirap din siyang mag-English, e. So, iyon ‘yong medyo trinay naming tawirin. Mga first day, iyon ‘yong struggle namin. Pero ‘yong mga sumunod na araw naman, medyo naayos na namin.”
Nag-shoot sila sa Thailand, Vietnam, at Cambodia. Totoo bang may mga pagkakataon na tumutulong siyang magbitbit ng camera at iba pang gamit ng production?
“Nagtutulong-tulong kami ro’n. Akala mo milyon ang ginastos dahil iba-ibang locations. May mga… buwis-buhay ang ano namin do’n!” sabay ngiting sabi ng aktor.
“Meaning… puwede kaming makulong anytime!” tawa pa niya. “Dahil ‘yong mga pinagsi-shoot-an namin, for example… sa isang hotel sa Thailand. ‘Yong isang cameraman namin na babae, mag-u-uniform siya na pang-frontdesk para kapag wala ‘yong tao do’n sa may bandang frontdesk, bigla siyang pupunta ro’n. So, biglang shoot kami! Acting-an… ganyan, kunwari nagtatanong. Tapos sabay pagka-cut, hiwa-hiwalay kami. Tapos darating ang security, nag-iikot.
“So, may mga gano’n kaming ano… puro nakaw na eksena. Sa park, lagi kaming sinisita ng mga pulis. Bawal mag-shoot do’n. Pero hinaharang lang ng producer namin, sasabihin… English only, I cannot understand. Para habang nagtatalo sila ro’n, sinasabihan kami ng director… tuloy n’yo lang ‘yong acting, ituloy n’yo lang. “So, medyo nakakakaba in a way. Kasi umaarte ka at the same time may nangyayari ro’n na pinapaalis kayo ng mga pulis.
“Challenging siya kasi as actors, siyempre ‘yong concentration namin. Na… umarte, at the back of our minds may mga security at mga pulis na riyan!”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan