AKTIBO RIN PALA si Hayden Kho sa mga charity works. Kaya umaariba na naman ang mga nang-iintriga sa kanya sa pagsasabing palabas lang daw ang mga ginagawa niya para mapagtakpan ang mga iskandalong kanyang kinasangkutan, dalawang taon na ang nakalilipas. Pero sino naman tayo para humusga sa kabutihan ng kanyang puso? Ang tao naman, kahit sanggano pa na halang ang kaluluwa, may malambot pa ring parte ng puso niya.
Mas maganda rin namang madinig ang balita na hindi man hayag ay mayroong mga ginagawang kabutihan si Hayden. Kumpara sa lagi na lang balita tungkol sa dati nilang iskandalo ni Katrina Halili. Sa totoo lang, nakakaumay na ang isyung ‘yon, ‘noh!
Pumasok na si Hayden sa pagnenegosyo, at muli na naman niyang hinaharap ang kanyang career, kaya lagi na natin siyang napapanood sa telebisyon. Siyempre pa, sa muling pagbangon ni Hayden ay malaking impluwensiya para sa kanya ang karelasyong si Dra. Vicki Belo.
Inilalapit namang talaga ngayon ni Hayden ang kanyang sarili sa masa, at sanay na sanay talaga siyang makihalubilo sa mga tao. Sa madalas rin naming pagkikita ni Hayden sa mga okasyon, hindi na talaga nakapagta-taka kung bakit hindi siya makalimutan ni Dra. Belo pagkatapos ng kontrobersiyal nilang mga pinagdaanan sa relasyon.
Kakaiba naman kasi ang pagdadala ni Hayden ng kanyang personalidad sa personal. Kung ikaw ay babae, si Hayden ‘yung tipo ng lalake na hindi mo na pakakawalan, at sa kasalan na ang tuloy n’yo. Ganu’n ang appeal niya.
NU’NG NAKARAANG FRIDAY, pagkatapos ng gift-giving project ng Phi-lippine Movie Press Club (PMPC) sa Child Haus, ang tahanan ng mga batang may kanser, ay dumiretso ako sa Quiapo para magsimba. Pagkatapos kong sumimba ay naglakad-lakad muna ako sa Carriedo, tapat ng Isetann. Alas-tres ng hapon ‘yon, kaya siksikan na ang mga tao. May isang kotseng kulay pula ang pinagkakaguluhan at dinudumog ng mga tao, ang sigaw nila ay si Coco Martin daw ang nasa loob ng car.
Bumibili ako ng CD noon, at malapit lang ako sa car. Itinanong ko sa mga tao kung sino talaga ang nasa loob ng kotse. “Siya ‘yung dating boyfriend ni Sandara Park!” sabi ng isang tindera. “Hindi, si Coco Martin talaga!” sabi rin ng isang tindera. Sumilip ako sa loob ng kotse. Parang mag-isa lang ‘yung nagda-drive, at hindi ako maa-ring magkamali, si Joseph Bitangcol nga. Naawa naman ako sa kanya, dahil hindi makaalis ang kotse, pinagkumpulan na talaga siya ng mga tao. Wala akong makitang pulis para ma-guide si Joseph na makalabas sa kalye na ‘yon.
Nakiusap ako sa mga tindero at tindera na hawiin muna ang mga tinda at mga kariton nila para naman makadaan si Joseph. Mababait naman sila, kaya unti-unting nakaandar at nakalayo ang kotse ni Joseph. Nagbukas naman siya ng bintana ng car nang matanawan at kinamayan niya ako. “Next time, huwag ka nang dadaan sa street na ito, dahil masikip talaga,” sabi ko sa kanya.
ChorBA!
by Melchor Bautista