TINGNAN MO NGA naman ang edad ng mga artista. Hindi sila tumatanda every year. Tumatanda sila by the role or character they portray. Tulad na lang nitong si Carlos Agassi, ha? Kahit isama mo pa diyan si Dimples Romana.
Si Carlos, ilang taon lang? Ipinanganak nu’ng 1979, so that makes him 31. Si Dimples, 1984 isinilang, kaya 25 pa lang ang lola mo. Tapos, si Jason Abalos, ilang taon? 25 na rin!
Silang tatlo ay napapanood sa Agua Bendita. Mag-asawa sina Carlos at Dimples. At ang anak nila doon, si Jason. Kalokah! Ano ‘yon? Si Carlos, anim na taong gulang nu’ng mapangasawa niya ang noo’y one year old pa lamang na si Dimples na sing-edad ang anak na si Jason.
Sa madaling salita, ang lakas magpatanda ng telebisyon. Kaya ‘wag na kayong ma-shock kung mababalitaan na lang natin na si Nash Aguas ay gumanap na binatang ama bukas.
IBA NAMAN ANG case nina Joshua Dionisio at Barbie Forteza na nakilala ang loveteam sa First Time. Sila ang ipina-pareha. Parang ang tema ng publicity nila ay talagang gusto silang pagsyotain.
Eh, ilang taon lang ba ang dalawang ito? Si Joshua, 15. Si Barbie, magte-13 pa lang sa July. Sabi ng isa naming friend, “Ano ba’ng gusto nilang palabasin? Na pamarisan ng mga kabataan ‘yung dalawa na sa murang edad, magsyota na?
“Magulang ka rin naman, Mama Ogs, gusto mo bang panoorin ng mga anak mo ang mga batang nagla-loveteam-loveteam? Sana, pag nagpo-promote sila sa TV, magkaroon na sila ng disclaimer na, ‘Magka-loveteam lang po kami. Sa totoong buhay po, magkaibigan lang kami. At pag-aaral pa rin po ang priority namin.’
“Something like that sana ang sabihin nila. We know for a fact that they don’t make love on screen. Pero ‘yung concept nila ng loveteam-loveteam, puppy love and infatuation, sa tunay na buhay, meron talaga niyan.
“Pero baka akalain ng mga bata, since napapanood nila sa TV eh, puwede na rin nilang gawin sa tunay na buhay. Kaya ako, Nickelodeon at Disney Channel na muna ang pinapapanood ko sa mga anak ko!”
Opinyon ng aming kumare. Kami naman, kaya nga may nakalagay na: “Parental Guidance” o “Patnubay Ng Magulang Ang Kailangan” sa screen para ang magulang o ang guardian na ang bahalang magpaliwanag sa mga bata, ‘di ba?
Eh, pa’no kung nasa office pa ang parehong magulang?
Hay, naku… masalimuot!
PENDONG. ‘YAN ANG isang digital movie na bida ay ang tatlong mokong na sina Felix Roco, Alywyn Uytingco at Will Devaughn. At least, nakakuha ng mga sinehan sa SM ang pelikulang dinirek at pinrodyus ng 26-year old na direktor na si Sean Lim.
Kuwento ni Sean, naka-P1.7M siya para sa movie kasama na ang mga artista roon. “Pera ko po ‘yon na inipun-ipon ko po na sana, kumita para mapalago pa.”
Kuwento ng tatlong magkakaibigang makukulit, nagkukulitan at kung anu-anong kapalpakan ang sinusuong, pero sa huli, me realization at pagkatuto silang nakukuha.
Limang digital movies na ang nagagawa ni Sean Lim at target din ng direktor na maka-penetrate sa mainstream at someday, makapasok sa telebisyon bilang direktor ng mga teleserye.
Nakatakda naming panoorin ang mga nagawa na niyang digital movies at ‘pag nagustuhan namin, siyempre, itsitsismis namin ‘yan sa ABS-CBN, ‘no! Para roon siya mabigyan ng break.
Sa trailer pa lang ay mukhang may potential na itong si Direk, ha? Sana, maganda rin ang kabuuan ng pelikula.
Oh My G!
by Ogie Diaz