BIYERNES PA LANG nang gabi sa selebrasyon ng kaarawan ni Vic de Leon Lima, ramdam na sa paligid ang tensiyon at kalungkutan. Dapat sana’y puro halakhakan ang maririnig sa paligid dahil kaarawan ng broadcaster ang ipinagdiriwang, pero kapansin-pansin ang lungkot, dahil nu’ng mga sandaling ‘yun, nakarating na sa tropa ng DZMM ang pagdidiliryo ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Pero ‘yun ang paghihintay na parang walang may gustong dumating. May mga nagsabing sana nga ay huwag nang maghirap pa ang dating pangulo. Pero alam mo na sa likod ng kanilang isip, ekstensiyon pa rin ng buhay ni Tita Cory ang kanilang hiling.
Taas-baba na ang blood pressure ni Tita Cory, hindi na regular ang kanyang pulse rate, sama-sama nang nagrorosaryo sa kanyang tabi sina Ballsy, Viel, Pinky at Kris.
Umuwi lang sandali si Senador Noynoy dahil maayos daw naman ang blood pressure ni Tita Cory. Pero hindi pa halos nagtatagal sa kanyang bahay ang senador, pinagmamadali na itong bumalik sa Makati Medical Center.
Alas tres disiotso nang madaling-araw pumanaw ang unang babaeng pangulo ng ating bayan, sa kasabihan ng matatanda, ang pinakamagandang oras ng pamamaalam ng isang mamamatay.
Ilang beses nang nagdelikado ang buhay ni Tita Cory, pero para namang sinadya na hinintay pa muna niyang mag-Agosto, bago niya hinugot ang kanyang huling hininga.
Sa kasaysayan, Agosto 21, 1983 nang paslangin si dating Senador Ninoy Aquino, ang dahilan kung bakit umuwi sa bansa si Tita Cory at ang kanilang mga anak mula sa Boston.
NU’NG UNA NAMING marinig ang balitang namayapa na ang dating pangulo, si Joshua Phillip agad ang pumasok sa aming isip. Si Josh, ang anak nina Phillip Salvador at Kris Aquino, dahil sa madalas naming pagkukuwentuhan noon ni Kris ay si Josh ang palaging iniintindi ni Tita Cory.
Natatandaan pa naming kuwento ni Kris, “My mom is very much concerned about Josh, gusto niyang paghandaan ko na ang paglaki ni Josh, siya talaga ang iniintindi ng mommy ko.”
Sa lahat ng apo ni Tita Cory, si Josh ang pinakamalambing sa kanya, laging nasa palda ng kanyang lola ang malusog na si Josh, si Tita Cory ang nagturo kay Josh ng mga unang maiigsing dasal.
Sinunod ni Kris ang hiling ng kanyang ina, may trust fund na si Josh. Anuman ang mangyari, sigurado na ang kinabukasan ng mahal na apo ni Tita Cory.
NAGLULUKSA ANG BUONG bayan sa pagyao ni Tita Cory. Pati ang panahon ay nakikidalamhati sa kanyang pagkamatay. Parang burol din ng kanyang asawa ang nagaganap ngayon sa La Salle Greenhills Gym dahil nagdaratingan mula sa malalayong probinsiya ang mga kababayan nating gustong magbigay ng huling pagsilip at pagrespeto sa kanya.
Masakit man, napakaganda ng paghahatid kay Tita Cory ng ating mga kababayan sa nakatakda niyang pag-alis sa Miyerkules, kakambal niya ang respeto at pagmamahal ng buong sambayanan sa kanyang pagbiyahe, mabibilang sa mga daliri ang mga pulitikong namamaalam na hindi kinakalimutan ng kasaysayan.
Sariwa pa rin kasi sa isip ng ating mga kababayan ang naganap nu’ng People Power. Nakilahok ang mga Pinoy sa pagpapatalsik sa diktaturyang Marcos para iluklok ang unang babaeng tagapamuno ng ating bayan.
Iniluklok at kusang bumaba sa kanyang puwesto si Tita Cory na malinis sa kuwento ng katiwalian. Walang dahilan para siya maghugas-kamay dahil wala siyang maruruming kamay na huhugasan sa pagsasalin niya ng posisyon.
Walang nasayang na panahon si Tita Cory. Nu’ng hindi na siya pangulo, aktibo pa rin siya sa pakikilahok sa mga rally kapag kapakanan na ng bayan ang nakataya sa usapin.
Hanggang sa pakikibaka sa colon cancer, ipinakita ni Tita Cory ang katapangan. Nu’ng unang araw pa lang na nalaman niyang stage four na ang kanyang sakit, maluwag sa loob niyang tinanggap ang resulta ng kanyang check-up. Sinabi niya na ang kalooban ng Panginoon ang masusunod.
Taong 2004, walang-wala pa sa hinagap ng pamilya ang sakit na colon cancer, ay nagsulat na ng isang dasal si Tita Cory. Ang pamagat ng dasal, “A Prayer for a Happy Death.”
Nakapaloob sa kanyang dasal-hiling ang taos-puso niyang pasasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang ipinagkaloob sa kanya, nandu’n din ang kanyang hiling para sa kanyang mga anak.
Pero ang pinakasentro ng dasal ay ang matinding pananampalataya niya sa Panginoon na naging manibela ng kanyang buhay sa lahat ng panahon.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin