SA HORROR FILM na ginagawa ngayon ni Joshua Garcia sa Blacksheep Productions at Regal Entertainment titled Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan ay walang ka-love team ang aktor.
“Nakakapanibago. Kasi siyempre, first time kong gumawa ng pelikula na walang love interest kaya talagang nakakapanibago,” simulang pahayag ni Joshua sa interbyu namin.
Dugtong pa niya, “Kasi usually, pagka may love team ako, creating, chemistry with your partner yon, eh. Ito magki-create ako ng chemistry with friends, with lola (Angie Ferro), so bago din sa akin yon.”
Ang Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan ay base sa mystery novel ni Bob Ong with the same title. Balik-horror movie naman ito ni Direk Chito Rono bilang director after niyang gawin ang The Ghost Bride ni Kim Chiu noong 2017.
Aminado si Joshua na dahil wala siyang ka-love team sa ginagawang movie ngayon kaya hindi maiwasang kabahan siya.
“Wala nang ‘I love you’ dito, eh. Ito na yung mas ano – ako na lang dito. At dahil solo ako, mas kinakabahan ako ngayon.
“Kapag kasi may partner ka dalawa kayong nagtutulong lalo na sa promo. Dito, pakiramdam ko dapat double yung effort ko. Pero gagawin ko na lang siguro yung best ko,” sambit pa niya.
Ibinahagi rin ng magaling na aktor kung alin ang mga eksenang gagawin niya ang siguradong mahihirapan siya.
“Do’n sa bandang padulo ng movie, feeling ko do’n ako mahihirapan. Lalo na kung paano ako magre-react do’n sa multo. Hindi naman ako puwedeng, ‘Ha!’ na magulat ka lang ng ganun, eh. Kasi siyempre dapat nawi-wirduhan ka rin. Pero sobrang exciting niyang gawin.
“Actually, excited din ako sa mga eksena ko with my friends — kung paano namin magagawa yung scene na may chemistry kami na magkaibigan. Excited din ako do’n sa twist sa dulo,” balita pa niya sa amin.
First time na gaganap si Joshua ng masamang karakter sa pelikula at aniya, isa rin yon sa medyo nakakapanibago.
“Yung sa The Good Son (teleserye) hindi naman ako masama do’n. Itong movie namin ngayon maraming layers yung character ko.
“Akala mo mabait siya pero madaming kulo, madaming kalokohan. I’m sure do’n sa mga nakabasa ng Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan kilalang-kilala nila si Galo,” sabi pa ng aktor.