Crush na pala noon pa ni Joshua Garcia ang kanyang ka-partner sa 2016 Metro Manila Film Festival entry ng Star Cinema na “Vince&Kath&James” na si Julia Baretto.
Kaso, torpe ng Batangueño na dumiskarte kay Julia, sa takot na baka matameme siya kapag English na ang lengguwahe ng dalaga sa kanya.
Kaya nga nang pumayag ang dalaga na siya ang maging date nito sa nakaraang Star Magic Ball, hindi raw makapaniwala ang binata.
“Takot kasi ako na baka negative ang magiging sagot niya sa invitation ko,” kuwento ng binata sa amin.
Sa pelikula nila nina Julia at Ronnie Alonte who plays James sa obra ni Ted Boborol, torpe ang karakter ni Joshua na kapareho sa tunay niyang katauhan sa totoong buhay.
“Conservative po ako. Gusto ko ‘yong traditional na panliligaw sa babae. Magpapakilala ako sa parents niya bago ako manligaw, parang ganu’n,” sabi ni Joshua.
Sa pelikula kasi, ang kilig movie ay base sa ligawan at pagbubuo ng relasyon sa pamamagitan ng text messaging lang na siyang uso ngayon sa millennials na tulad nila.
Last weekend, magkasama ang dalawa sa Bacolod City para sa promo tour nila.
Na-develop kaya sila sa isa’t isa? Alam n’yo naman, kapag palagi mong nakasasama ang isang tao na gusto mo, mas lalong nahuhulog ang loob mo sa kanya.
Not a bad idea na ang love team nina Joshua at Julia ay maging totohanan at maitawid sa totohanan.
Both naman ay libre at ang status ng dalawa ay “available”.
Sa December 25 na ang simula ng showing ng pelikula. Si Joshua, excited na rin na makasakay sa float na siyang nakagawian kapag may MMFF entry.
Balita ko, mula sa Manila City Hall ang parada (why not sa Luneta or Quirino Grandstand para mas maluwag sa traffic?) na magtatapos naman sa Plaza Miranda sa Quiapo.
Ang mga bagets na sina Joshua, Julia, at Ronnie, excited sa tradisyon ng parada ng mga artista para sa MMFF.
Reyted K
By RK VillaCorta