INAMIN ni Joshua Garcia sa amin na kinailangan niyang bumalik sa acting workshop bago siya nagsyuting ng horror film na Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan na film adaptation ng mystery novel ni Bong Ong with the same title.
“Yung pag-arte, kahit kailan hindi ko naman mama-master yan,” pahahayag ng award-winning actor.
“Yon nga mga beterano na sa showbiz feeling ko hindi pa rin nila na-master yung acting. Pero meron silang tinatawag na auto pilot acting – may ganung acting, eh. Yung parang normal na acting lang.
“Pero may mga scenes kasi na mahihirap din talaga, na kailangang pag-aralan. Every time naman na may gagawin akong project nagwo-workshop ako. Bumabalik ako do’n para ma-refresh,” dagdag niyang pahayag.
Kailangan daw niya kasing painitin ang kanyang emosyon na tulad ng isang makina kaya nire-require niya ang sarili to do workshop before siya sumalang sa isang movie project.
“Para kasing ano yung emosyon ko, eh… parang makina na kailangan munang painitin ulit. Kaya bumalik ulit ako sa workshop para lang uminit ulit yung emosyon, kasi mas masarap umarte kapag hindi totoo yung nararamdaman mo.
“I mean, kung masaya ka ngayon tapos pagdating mo sa set iiyak ka, ang hirap umiyak. Oo, iiyak ka, magpapatulo ka ng luha pero hindi mo nararamdaman. Iba pa rin kapag nararamdaman mo yung bawat sinasabi mo, yung bawat titig mo sa kaeksena mo,” katwiran ng aktor.
Ang Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan ay joint venture ng Regal Entertainment at Blacksheep Productions mula sa direksyon ni Chito Rono.