ANG DATING stand-up comedienne sa sing-along bar na si Joy Viado ay isa nang sikat na artista. Kabila’t kanan ngayon ang kanyang mga pelikula. Kuwento nga niya sa amin, hindi na nga raw siya makagawa ng teleserye sa sobrang hectic ng schedule niya sa shooting. Katunayan nga nakatatlong pelikula na ang natapos nito at sisimulan naman niyang gawin ang “Moron 5” ni Wenn Deramas at isang pelikula sa Star Cinema na pagbibidahan nina Gretchen Barretto at Richard Gomez.
Mahalagang papel ang ginagampanan ni Joy sa pelikulang My Illegal Wife nina Zanjoe Marudo at Pokwang under the direction of Tony Reyes para sa Skylight Films. Kahit supporting lang ang madalas niyang maging papel, effective naman ito sa pagiging komedyana.
“First time ko ngang nakatrabaho si Direk Tony, iba ang style niya as comedy director. Sasabihin niya kung ano ang gusto niyang mangyari sa isang eksena at ikaw na ang balaha. Open din si Direk sa suggestion lalo’t alam niyang ikagaganda ng eksena. Mabilis siyang magtrabaho at enjoy ang buong cast habang ginagawa namin ang My Illegal Wife.”
Madalas din nating mapanood si Joy sa mga pelikula ni Direk Wenn, wala yatang pelikula ang box-office director na hindi siya kasama sa cast.
“Hindi naman, love lang ako ni Direk Wenn. Naibibigay ko kasi ang gusto niyang mangyari sa isang eksena. Ikukuwento niya ang sitwasyon at ‘yung character mo at saka niya sasabihin kung ano ang gusto niyang mangyari sa eksena. Sobrang enjoy ako sa mga pelikula ni Direk Wenn, masaya kami kapag nagsi-shooting. Everybody’s enjoying sa set,” pagbibida sa amin ng singer/comedianne.
Sa dalawang director na binanggit ni Joy, sino kina Direk Wenn at Direk Tony ang sa tingin niya mas magaling pagdating sa comedy film.
“Pareho lang silang magaling na comedy director, may kanya-kanya silang style sa comedy. Hindi puwedeng i-compare si Direk Tony kay Direk Wenn. Si Direk Tony, diretso ang approach niya sa comedy tulad nina Tito, Vic at Joey. Paborito siyang director ng mga ito. Ibang klaseng comedy director si Direk Wenn, mayroon siyang style na siya lamang ang nakagagawa,” paliwanag ni Joy.
Sa pagiging in-demand ngayon ni Joy, halos wala na nga raw siyang time sa ibang karaketan.
“Hindi na ako tumatanggap ng mga gigs sa mga sing-along bar dahil wala na nga akong time. Mahirap din ang trabaho ng mga stand-up comedian. Kailangan mong magpatawa para maaliw sa ‘yo ang customers at bigyan ka ng tip. Okay na ang takbo ng career ko sa ngayon, hindi nawawalan ng trabaho, tuluy-tuloy ang racket. Ang importante, gusto mo ang ginagawa mo at ini-enjoy mo siya. Thanks God, sobrang blessed ako ngayon,” turan pa ng magaling na comedienne.
Nasabi rin ni Joy na tuwing presscon, hindi siya pinapansin ng press para interbyuhin.
“Palagi naman akong available for one on one interview. Kaya lang, puro sikat na artista ang gusto ng press na ma-interview. Pero okay lang, at least ngayon may mga movie writer na pinag-uukulan na ako ng pansin. Ang sarap yata ng feeling na binigyan ka ng importansiya ng media na ma-interview at maisulat. Ngayon pa lang, maraming salamat sa mga press na kumausap sa akin para gawan ako ng write-up,” nagpapatawang wika ni Joy.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield