Kung pelikula tungkol sa ating Pambansang Bayani ang pag-uusapan, malamang, ang pangalang Joel Torre ang unang papasok sa ating isipan. Kung dahil ba sa bigote o sa ’tila misteryosong aura ni JT, well, labas na tayo diyan.
Pero ito ang dapat nating malaman? Alam ba ninyong sa pangalan pa lang niyang Jose Rizalino Torre, may konek na kay Gat Jose Rizal?! True! At ‘eto pa, alam n’yo bang ka-birthday niya rin si Dok Jose? Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1961 sa Bacolod at nag-aral sa University of Saint La Salle.
Una siyang napasabak sa aktingan noong 1982 sa pamatay na obrang Oro, Plata, Mata. Nasundan pa ito ng mga exceptional n’yang pagganap sa telebisyon, pelikula at maging sa teatro. At ngayong patok ang indie films, isa rin siya sa mga paboritong aktor ng ating mga sikat na indie directors.
Dalawampu’t limang taon na rin si JT sa showbiz. Ang tagal na ito ang magpapatunay ng husay niya sa kanyang propesyon na itinuturing niya ring isang passion.
At alam n’yo ba na hindi lang pang-local ang acting niya? Halos 40 days din kasi siyang tumambay sa Africa para mag-shoot ng international movie na Surviving Evil – isang horror film kung saan gumanap siya bilang Filipino tour guide. Hindi lang ‘yan, mapapanood rin natin siya bilang si Don Roberto Pelaez ng Zorro.
O, may kulang pa ba?! Well, sa mga naghahangad na masungkit siya, sorry pero may asawa na siya at dalawang anak. At dahil hindi rin naman niya nakikitang permanente ang pag-aartista, hayun, successful siya sa kanyang business venture na JT’s Manukan.
by Mayin de los Santos
Photos by Luz Candaba and Mark Atienza