IPINANGANAK NOONG ika-12 ng Setyembre, 1987, bata pa lamang, sa gulang na tatlong taon, ay nagpakita na ng kakaibang kakayahan sa pagpipinta ang batang si Juan Lorenzo Aiya Orobia na kilala sa arts bilang si ‘Juan Luna Orobia’.
Isa siya sa napili sa ‘Ten Gifted Child in the Philippines’ noong 1999, mula sa isang national search. Ito ay inilathala sa Mirror Magazine na isinulat ni Jose Hisamoto noong March 8, 1999.
Para sa mga eksperto sa sikolohiya, sa sining, at sa iba pang pumipili sa ganitong kategorya, napag-aralan nila na si Aiya ay nakapagpipinta ng kung ano ang ‘dominant trait’ ng isang tao sa pamamagitan ng ‘information through vibrations’. Ibig sabihin, naiguguhit niya ang mga kapansin-pansin at mga nakatagong katangian ng kanyang subject.
Sa edad ngayon na 28, nagkaroon na siya ng dalawang one-man shows at 87 art exhibitions. Sa murang edad, natanggap niya ang McDonald’s Makabata Awards at ang Young Achievers Award for Arts and Culture na iginawad sa Malacañang Palace.
Sa ngayon, bukod sa pagiging pintor, si Aiya ay naging isang mahusay na creative director, isang graphic designer, at sportswear designer. Isa sa kanyang ginawa ay ang logo ng New Balance Team Pinas.
Makikita naman sa Rizal Library ng Ateneo de Manila University ang isang artikulo ni Susan A. de Guzman sa Philippine Daily Inquirer noong 1994 na pinamagatang “Meet Young Artist Juan Luna Orobia”.
Isang left-handed painter si Aiya. Una siyang kumuha ng kursong Advertising sa University of Santo Tomas at kalaunan ay ipinagpatuloy sa Asia Pacific College sa kursong Multimedia Arts major in 3D Animation, kung saan siya magtatapos sa susunod na taon bilang isang Dean’s Lister. Noong kamakailan, kasama ng ilang mga kagrupo, gumawa siya ng isang 3D animation film na pinamagatang Aswang Origins.
Ang makabagong tema na ito ay ipinalabas sa SM Center sa Tunasan, Muntinlupa noong August 28 & 29, 2015 para sa piling mag-aaral sa elementary, high school, at college kasama sa isang seminar tungkol sa Nature and Conservation of Culture Through Arts and Philippine Mythology. Ito ay sa ilalim ng proyektong “Marahuyo: An Exhibition of Philippine Art & Culture”. Dahil sa dugong maka-sining, isa si Aiya sa nagkonsepto kung paano imumulat ang publiko sa natatanging kultura at paniniwala ng mga Pilipino sa aspeto ng mitolohiya ng mga Pilipino na tumatalakay sa mga diyos at diyosa, diwata, mga aswang, manananggal, at iba pa.
Kasama ang mga bagong sibol sa naturang art exhibition ang mga multimedia artists na sina Lars Pejo, Rolyn Reyes, Elenei Pulido, Troy Pabilonia, Boris Palanca, at Xylon Aldrich. Bukod dito ay nagpakita sila ng halimbawa kung papaano ginagawa ang isang hologram.
Bunso sa tatlong magkakapatid na Orobia at mula sa pamilya ng mga artists, na kapatid ni Abe at Baste. Si Aiya ay ang bagong generation ng isang alagad ng sining. Malaya, agresibo, malalim, makulit at palabiro, witty, punung-puno ng buhay at emosyon ang kanyang mga likha.
Ang mga kulay nito ay bahaging rebolusyonaryo ngunit hindi nalalayo sa realismo. Pinag-uugnay nito ang luma sa modernong panahon dahil may isang pangalan at dignidad na dapat panatilihin, ang husay na natatago sa pangalang Luna.
Sa kanyang pananaw tungkol sa current issues, isa rito ay hindi siya sang-ayon na kupkupin pa natin ang mga refugees na taga-Syria. Sa simpleng sinabi niya ay, ‘Mas marami rin tayong problema na dapat unahin at maaaring gamitin lang itong isyu ng mga pulitiko.” Dugtong pa niya, “Pagdating ng panahon, malaking problema at hamon ito sa pagpapatatag ng ating bansa.”
Naisip ko, kahit bahagi tayo ng United Nations, oo nga naman, silang kabataan ang maiiwan at sila rin ang magtatamasa sa anumang posibleng pagkakamali ng mga nakatatanda dahil sila ang bagong sibol na henerasyon.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions, email: [email protected]; cel. no. 09301457621.
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia